Agad na inilatag ni Larry Gadon ang kanyang unang programa matapos italaga ni Pangulong Bongbong Marcos bilang Presidential Adviser on Poverty Alleviation.
Ang Batang Busog Malusog (BBM) Program ay naglalayon na matulungan ang mga estudyante tungo sa malusog at masiglang pangangatawan.
“Ako ay maglulunsad ng isang programa na tatawagin kong BBM Movement, ito ay ‘Batang Busog Malusog,” aniya.
Binigyang diin ni Gadon na mahalaga ang nutrisyon para sa mga estudyante upang makapag aral sila ng mabuti.
“Kung sila ay kumpleto ng nutrients sa katawan, mas magiging maganda ang focus nila sa edukasyon at kung sila ay magkakaroon ng magandang edukasyon, iyan ang magdudulot sa kanila ng magandang kinabukasan,” aniya.
Hinihikayat din niya ang mga malalaking korporasyon at mga negosyante na makilahok sa programa upang gawin ito bilang kanilang corporate social responsibility. Sa ngayon, hindi pa nailalabas ang ibang detalye ukol sa BBM Program. Nakatakdang ilunsad ito ngayong Hulyo bilang paghahanda sa darating na Nutrition Month.
Samantala, inulan naman ng batikos ang paghirang kay Gadon bilang Presidential Adviser on Poverty Alleviation, kabilang na rito ang abogadong si Luke Espiritu sa nagpahayag ng kayang pagkadismaya sa naturang pagtatalaga.
“Nagbunga na ang pagdikit ni Gadon sa kusina at namantikaan na siya sa paghirang sa kanya bilang Presidential adviser on Poverty Alleviation” aniya.
Matatandaang naharap sa reklamong verbal assault laban sa kapwa abogado si Gadon na humantong sa kaniyang pansamantalang pagkasuspinde sa Korte Suprema.
Photo credit: Official Gazette