Nagpahayag ng pagkadismaya sina Sen. Grace Poe at Sen. Nancy Binay sa campaign advertisement video ng Department of Tourism (DOT).
“Para tayong na-scam sa advertisement na ito” saad ni Poe.
Dismayado ang senadora na kahit na ang mismong gobyerno ay naging biktima sa mga kapabayaan ng marketing campaign na dapat ay layuning mapromote ang unique character, natural beauty at cultural attractions ng Pilipinas.
“It has been said that there must be truth in advertising,” dagdag pa niya.
Ayon naman kay Binay hindi ito ang unang pagkakataon na umani ng batikos ang DOT at mga ahensiya nito mula sa mga netizens dahil sa creative lapses.
“Dapat may accountability dahil pera ng taumbayan ang ginagastos ng DOT para bayaran ang mga ad agencies” pahayag niya.
Saad pa ni Binay ay hindi dapat nagpapabaya ang DOT sa multi-milyong pisong kampanya.
Dapat din umanong mas maging mapanuri ang DOT sa mga pegs, concepts, storyboards and drafts na ipinipresenta sa kanila ng mga ad agencies.
“May lapses din sa bahagi ng kliyente,” dagdag pa niya.
Ayon pa sa kanya dapat nga ay nagpapakita sila ng “authenticity” at ang ganitong promotional anomaly ay direktang nakakaapekto sa mga desisyon ng turista, at naglalarawan ng negatibong imahe kung paano natin i-promote ang ating destinations.
“Sa ngayon, may bahid na ng pagdududa kung anuman ang susunod na TV ad o promotional material ng DOT. At tila masamang pangitain ito dahil mukhang di pa rin po tayo natututo sa mga nakaraang nangyari dala ng hindi original logo, slogan, design o video clip” aniya.
Para kay Binay, ang pinakamahalagang gawin ay huwag magkaroon ng tigil sa pag-promote ng destinations sa kabila ng mga sagabal.
Umaasa naman si Poe na hindi na mauulit ang nangyari lalo na sa ahensya ng gobyerno tulad ng DOT na pinagkakatiwalaan ng ating mga kababayan.
Photo credit: Facebook/senateph