Nais ni Sen. Lito Lapid na pagsama-samahin ang mga nagdaang campaign slogan ng Department of Tourism (DOT) upang mas palakasin ang turismo ng bansa.
Mula sa “Wow Philippines” ni Sec. Dick Gordon noong 2002, “It’s More Fun in the Philippines” ni Sec. Ramon Jimenez noong 2012, at ang bagong “Love the Philippines” ni Sec. Christina Frasco ngayong 2023, gusto niya itong pagsama-samahin at gawing “Wow, It’s more fun! Love, the Philippines!” para mas lumakas ang turismo dito sa Pilipinas.
Ayon pa kay Lapid, ang hindi pagkakaunawaan sa tungkol sa “mood video” para sa “LOVE THE PHILIPPINES” na kampanyang ginawa ng DDB Group Philippines ay hindi dapat makasira sa ilang buwang magandang trabaho ng DOT sa pangunguna ni Frasco at ng mga naging ka-partner nila rito.
Para sa kanya, ang layunin na maipakita ang ideya at intensyon ng kampanya ay nagawa naman nila sa naturang video.
“Wala po akong nakitang malisya o layuning manloko ng mga tao lalo na kung titingnan natin ito na para lamang sa mga opisyal ng DOT at iba pang “internal stakeholder” at hindi pa pampubliko.”
Dagdag pa ng mambabatas ay hindi pa nagagawa ang aktwal na patalastas na gagamitin sa kampanya.
Sinuportahan naman niya ang agarang aksyon na ginawa ni Frasco sa pagkansela ng kontrata sa ad agency, at ang DDB sa pag-ako ng responsibilidad sa pagsasa publiko ng video na para lamang talaga sa mga “internal stakeholder.”
Ipinaliwanag ni Lapid na mahaba ang magiging proseso ng DOT sa kampanya para sa turismo at ang paglulunsad ay maliit na hakbang lamang.
“Subalit lahat ng nakapanood sa paglulunsad na ito ay nakita na tama ang direksyon na pinatutunguhan. Umaandar na po pasulong sina Sec. Frasco at ang DOT. Bigyan po natin sila ng pagkakataon at magpatuloy sa kanilang trabaho,” aniya.
Buo rin ang tiwala at kumpiyansa ni Lapid kay Frasco at sa DOT, at iniimbitahan ang mga Pilipino na ipakita ang kanilang suporta sa ahensya.
“Kung magtagumpay po ang DOT sa kanilang trabaho, buong bansa po natin ang panalo,” pagtatapos niya.
Photo credit: Facebook/senateph