Itinutulak ngayon ni Sen. Raffy Tulfo na magkaroon na lamang ng OFW wing sa mga regional hospital upang mas madaling mapuntahan ng mga overseas Filipino workers (OFW) na gustong magpagamot.
“Ang aking suggestion… mag-create na lang ng tinatawag na OFW wing sa lahat ng mga regional hospital sa iba’t-ibang lugar sa Pilipinas. In that way, it will be accessible to everybody. Hindi ‘yung nasa isang lugar lamang tulad d’yan sa Pampanga na napakalayo at maraming hindi nakakaalam,” pahayag niya sa isang tv interview.
“So ‘pag nagkaroon ng OFW wing sa lahat ng regional hospitals all over the country, then lahat ng OFWs from different parts of the country ay makikinabang pati na rin ang kanilang dependents.”
Ito ay matapos niyang bisitahin at makita ang tunay na kalagayan ng OFW Hospital sa Pampanga matapos makatanggap ng ilang reklamo sa serbisyo nito.
Sinalubong si Tulfo nina Migrant Workers Usec. Hans Cacdac at Hospital Administrator Dr. Dante Dator. At unang bumungad sa kanya ang Pharmacy Department na kulang kulang sa mga gamot, lalo na sa antibiotics, at mga sapat na estante at drawer kaya naman ang mga gamot ay nakalagay sa mga tray na nakalapag lamang sa mesa.
Sa paglilibot ng mambabatas, napansin niya ang moderno at bagong mga kagamitan ngunit hindi pa gaanong nagagamit. Natuklasan din niyang dalawa lamang ang pasyenteng pinagsisilbihan ng apat na palapag na ospital sa mga oras na iyon, na kapwa in-patient pa. Isa rito ay empleyado mismo roon habang ang isa ay nagmula pa sa malayong probinsiya.
Ayon pa kay Tulfo, tila “ghost town” ang bagong ospital sa mga pasyente. Tinawag niya itong “underutilized” kaya naman nagbigay ang senador ng suhestiyon na imbes na nasa isang lugar o probinsya lamang ang pagamutan para sa mga OFW ay dapat magkaroon ng “OFW wing” sa bawat regional hospital ng bansa.
Nirekomenda rin ng mambabatas na buksan hanggang weekends ang Outpatient Department nito at ayusin ang kanilang online portal upang mas maraming maasikaso na mga pasyente na nais magpakonsulta matapos matuklasan sa isang staff roon na October 10 pa ang susunod na available slot para sa pag papakonsulta nang sumubok siya sa online patient scheduling system nila.
Ayon pa kay Tulfo, dapat ay mga taga Department of Health ang namamahala dito dahil sila ang may expertise sa pagpapatakbo ng medical facilities, ngunit dapat pa ring ipagpatuloy ng Department of Migrant Workers ang pangangasiwa nito.
“Nakakatawa nga dun sa kanilang paliwanag. Hindi kapani-paniwala sinasabi nila kulang sila sa manpower at bago lang daw ang pag-transfer ng ospital na ‘yon from DOLE to them. In that case, ang sabi ko dapat i-transfer na lang ang pamamahala at pagpapatakbo sa DOH kasi meron silang kakayahan at kaalaman,” giit niya.
Photo credit: Facebook/raffytulfoinaction