Nananatiling nangunguna bilang napupusuang kandidato si dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa Senate elections sa 2025 ayon sa pinakabagong survey.
Sa kabila ng pagbaba sa 51% mula 55% na popularity rate, ang dating pangulo pa rin ang namamayagpag bilang top-of-mind ng mga botante, ayon ito sa PAHAYAG 2023-Q2 survey na isinagawa ng PUBLiCUS Asia, Inc..
Ayon din sa survey, pantay sa 44% sina Doc Willie Ong at Erwin Tulfo sa pangalawa at pangatlong posisyon. Nasa pang-apat at panglima naman sina Senador Christopher “Bong” Go at Sen. Maria Imelda “Imee” Marcos na may 39% na boto para sa re-election.
Sina dating Manila Mayor “Isko Moreno” Domagoso at dating Senate President Vicente “Tito Sotto” C. Sotto naman ay pantay din sa 36%. Samantala, sina Sen. Ronaldo “Bato” Dela Rosa, at dating senador Panfilo “Ping” Lacson naman ay pantay din sa 35%.
Sinundan nina Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro na nakakuha ng 31%, at dating Presidential Spokesperson Harry Roque na may 25%.
Dagdag pa rito, ipinakita rin sa survey ang pag-usbong nina dating Vice President Maria Leonor “Leni” Robredo na nakakuha ng 28% at dating senador Francis “Kiko” Pangilinan na may 25%, sa inaasam na “Magic 12.”
Ang PAHAYAG 2023 Second Quarter Survey ay isang independent at non-commissioned survey na isinagawa ng PUBLiCUS Asia, Inc. sa pagitan ng 7-12 June 2023. Ito ay nationwide purposive survey na minentena ng PureSpectrum, isang US-based panel marketplace. Mga registered Filipino voters lamang ang sinali upang matiyak ang tamang pag representa ng sentimyento ng voting population.