Hinimok ni Senador Win Gatchalian ang Energy Regulatory Commission (ERC) na huwag nang payagan ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na ipasa pa ang 3% franchise tax nito sa mga konsyumer ng kuryente.
“Dapat itigil na ng ERC ang pagpasa ng bayarin sa publiko. Hindi nila dapat binabayaran ang anumang bayarin ng NGCP sa gobyerno. Kailangang itigil na ang kasanayang ito sa lalong madaling panahon,” aniya.
Kinumpirma ni ERC Chairperson Monalisa Dimalanta sa isang pagdinig ng Senate Committee na pinapayagan ang NGCP na ipasa sa mga konsyumer ang franchise tax na 3% ng lahat ng gross receipts na nagmula sa mismong operasyon nito bilang kapalit ng income tax at iba pang buwis dahil sa isang ERC resolution, ito ay ang ERC Resolution No.7 Series of 2011.
Subalit ayon kay Gatchalian, ang desisyon ng Korte Suprema noong 2002 ay nagbigay-diin na ang income tax ay hindi na dapat maipasa sa konsyumer sapagkat ito ay hindi naman isang operating expense.
“Kaya, dapat bawiin ng ERC ang resolusyon nito noong 2011 kung saan nakasaad na ang 3% franchise tax ay bahagi ng kabuuang monthly transmission cost. Bilang regulating body lamang, hindi maaaring palitan ng ERC ang desisyon ng SC,” saad niya.
Ayon sa mambabatas, kung hindi pinahintulutan ng ERC ang NGCP na ipasa ang franchise tax nito sa mga konsyumer ay maaaring makatipid ng tinatayang P37.32 kada taon ang isang ordinaryong household na kumukunsumo ng 200 kWh kada buwan sa Meralco franchise.
Photo credit: Facebook/senateph