Nagpahayag ng optimismo si Senador Bong Go hinggil sa kakayahan ng administrasyong Marcos na maiangat ang buhay ng mga mahihirap na Pilipino at maglabas ng mga pro-poor initiatives.
“Dapat walang maiwan na mahihirap nating kababayan. Unahin po ang mga programa na nakatutulong po sa mga kababayan natin.”
Kasabay ng pagtutok ng gobyerno sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa, iginiit niya ang mahalagang pangangailangan upang matiyak na walang Pilipino na maiiwan sa proseso.
“Dapat po, nais ko pong marinig sa Pangulo ang kanyang additional na plano kung ano pa ‘yung pwedeng gawin upang mas lalong maisakatuparan ang ating inclusive and full economic recovery mula po sa pandemya.”
Sa kabila ng pakikipagbuno ng bansa sa epekto ng pandaigdigang pandemya, sinabi ni Go na ang isyu ng seguridad sa pagkain, na matagal nang suliranin ng sambahayan ng mga Pilipino, ay nangunguna sa talakayan.
“Dapat po, walang magutom. Importante po dito tiyan ng bawat Pilipino. Importante po dito trabaho ng bawat Pilipino.”
Ipinahayag din niya ang suporta sa Philippine Development Plan ng administrasyon, isang eight-point agenda na naglalayong makamit ang food security, maisaayos ang supply chain management, mabawasan ang energy costs at mapanatili ang energy security, at mabawasan ang economic vulnerability na dulot ng pandemya.
Layunin din ng agenda na tugunan ang mga isyu sa healthcare, mapalakas ang social protection, isulong ang pag-unlad ng imprastraktura, at hikayatin ang pagnenegosyo, lalo na sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs).
“Infrastructure development, trabaho po ‘yan at creating a green economy, strengthening market competition and promoting entrepreneurship, negosyo po lalong-lalo na ang mga MSMEs, ‘yung maliliit nating negosyante.”
Alinsunod sa pagsisikap ng bansa na isulong ang pag-unlad ng ekonomiya, muling ipinakilala ng mambabatas ang Senate Bill No. 1182 o ang iminungkahing Government Financial Institutions Unified Initiatives to Distressed Enterprises for Economic Recovery o GUIDE Act sa hangaring mapalakas ang kapasidad ng mga institusyong pampinansyal ng gobyerno na magbigay ng kinakailangang tulong pinansyal sa mga MSME, at iba pang strategically important companies.
“Suportado ko po ang ating Pangulo basta makakatulong po sa mahihirap nating kababayan.”