Tinutulan ni Senador Risa Hontiveros ang planong paglipat ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa Office of the President (OP).
“Hindi naman legal issues ito eh. Ito po ay implementasyon ng Universal Healthcare Law, at ang expertise naman diyan institutionally para ipatupad ang batas na iyan ay wala naman sa OP, kundi nasa public health authorities natin,” aniya sa Kapihan sa Senado.
Bagama’t ayon sa Department of Justice na sakop pa ng kapangyarihan ng Pangulo ang
pagsasaayos ng burukrasya, para kay Hontiveros ay nasa Department of Health (DOH) ang mandato sa ilalim ng batas na ipatupad ang universal healthcare at insurance program ng bansa.
Tinawag niya itong “illogical” at iginiit na mapopolitika lamang ang PhilHealth kapag ito ay malalagay sa ilalim ng jurisdiction ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Sa DOH dapat linisin ang mga problema ng mga nakaraan hanggang sa ngayon. At huwag lalong i-expose sa political patronage at politicization sa ilalim ng pinakamataas na political office,” saad ng mambabatas.
Ipinaalala niya na may mga natitirang pa ring isyu ng kurapsyon ang PhilHealth tulad ng ghost dialysis scam, at ang P15 milyon na anomalya sa pondo na ibinunyag sa Senado noong kasagsagan ng pandemya, kaya’t hindi na dapat pang magdagdag ng takot dulot ng panibagong posibilidad sa maling paggamit ng pondo ng korporasyon.
“Ang isang pinakamabuting garantiya nyan ay manatili siya sa mga kamay kung saan siya mandated na nakalagay, at yun ay walang iba kundi sa ilalim ng DOH,” giit ni Hontiveros.
Ang pahayag ng senador ay taliwas naman sa paniniwala ni BHW Partylist Representative Angelica Natasha Co na nagpahayag naman ng pagsuporta sa mungkahi.
“I agree with the proposed transfer of PhilHealth to the Office of the President because this move could improve accountability, processes, and performance at PhilHealth,” aniya sa isang pahayag.
Ayon kay Co, wala pang nakikitang malinaw at epektibong solusyon mula sa PhilHealth hinggil sa korapsyon, maliban sa karaniwang paglilipat ng mga sangkot na opisyal at tauhan. Dagdag pa niya, kailangan ang forensic financial audits upang matuklasan ang korapsyon at sabwatan na malalim nang nakabaon sa sistema at field operations ng PhilHealth.
Photo credit: Facebook/senateph and House of Representatives Official Website