Tinanggap na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang resignation ng 18 third-level officers ng Philippine National Police (PNP) na sangkot umano sa mga aktibidad sa ilegal na droga base sa rekomendasyon ng National Police Commission Ad Hoc Advisory Group na nag-imbestiga rito.
Sa isang liham kay Marcos, ipinaalam ni PNP Chief Benjamin Acorda Jr. na nagsagawa ang Ad Hoc Advisory Group ng masusing imbestigasyon hinggil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga ng 953 third-level officers, na naghain ng kanilang courtesy resignation habang nakabinbin ang imbestigasyon.
Sa 953 mga opisyal, inirekomenda ng Grupo ang pagtanggi sa 935 courtesy resignations at tinanggap naman ang pagbibitiw ng sumusunod na 18 opisyal:
- PBGEN Remus Balingasa Medina O-10038
- PBGEN Randy Quines Peralta O-05124
- PBGEN Pablo Gacayan Labra II O-03734
- PCOL Rogarth Bulalacao Campo O-08477
- PCOL Rommel Javier Ochave O-08085
- PCOL Rommel Allaga Velasco O-08084
- PCOL Robin King Sarmiento O-03552
- PCOL Fernando Reyes Ortega O-07478
- PCOL Rex Ordoño Derilo O-10549
- PCOL Julian Tesorero Olonan O-12395
- PCOL Rolando Tapon Portera O-07520
- PCOL Lawrence Bonifacio Cajipe O-12905
- PCOL Dario Milagrosa Menor O-07757
- PCOL Joel Kagayed Tampis O-08180
- PCOL Michael Arcillas David O-07686
- PCOL Igmedio Belonio Bernaldez O-12544
- PCOL Rodolfo Calope Albotra Jr O-08061
- PCOL Marvin Barba Sanchez O-08043
Ayon kay Acorda, ang mga nasabing opisyal ay patuloy pa ring binabantayan.
Saad pa niya, ang mga kinakailangang utos para sa kanilang pag-alis mula sa kasalukuyang mga posisyon ay agad na ibibigay at ang mga nagbitiw na opisyal ay itatalaga sa Personnel Holding and Accounting Unit, Directorate for Personnel and Records Management, upang pigilan sila sa paggamit ng karagdagang impluwensya at/o paggawa ng mga ilegal na aktibidad gamit ang kanilang mga posisyon.
Matatandaang sa simula ng kanyang administrasyon ay nangako si Marcos na lilinisin ang mga ranggo ng PNP, at sinabing hindi magkakaroon ng problema sa droga nang walang pagkakasangkot sa mga opisyal ng pulisya.
Ipinahayag din ng Pangulo sa kanyang pangalawang State of the Nation Address na magtatalaga siya ng mga indibidwal na may “unquestionable integrity” para pangunahan ang kampanya ng gobyerno laban sa ilegal na droga at binigyang diin na ang kanyang administrasyon ay maglalagay ng bagong mukha sa kampanyang ito.
“In their stead, we will install individuals with unquestionable integrity, who will be effective and trustworthy in handling the task of eliminating this dreaded and corrosive social curse. We cannot tolerate corruption or incompetence in government,” ayon kay Marcos.
Mariin din niyang ideneklara na ang gobyerno ay walang humpay na ipagpapatuloy ang paglaban sa mga sindikato ng droga, ipatitigil nito ang kanilang mga ilegal na gawain, at pupuksain ang kanilang mga network of operations.