Pinuna ni Senador Raffy Tulfo ang pamunuan ng University of Manila (UM) dahil sa irregularidad na nangyari sa mga engineering students nito na sinabihang hindi makaka-graduate kahit bayad na sa graduation fees.
Dumulog sa programa ni Tulfo na “Wanted Sa Radyo” ang engineering students ng UM upang ireklamo ang kanilang propesor na nangbagsak umano ng walang dahilan. Nakaharap nila sa programa ang mga opisyales ng UM kasama ang Commission on Higher Education (CHED).
Ayon sa obserbasyon ng abogado ng CHED na si Spocky Farolan, na kasama rin sa pagdinig, na-estafa raw ang mga nagrereklamong estudyante.
“Napagalaman din sa nasabing paghaharap na pangkaraniwan na palang kalakaran ito,” ayon kay Tulfo.
Aniya, isang patunay na unfair ang naranasan ng mga civil engineering student ay ang test paper na nanggagaling sa presidente ng eskwelahan, kung saan ang mga katanungan ay walang tamang sagot at nakadepende lang sa presidente kung tatanggapin o hindi ang mga sagot ng estudyante.
“Kaya pala minali ang sagot ng mga estudyante at pare pareho silang nakakuha ng 70 failing grade dahil kahit ano pang isagot nila rito ay ang presidente pa rin ng eskwelahan ang masusunod sa gusto niya,” saad ng mambabatas.
Ayon pa sa kanya, nagbitiw ng pagbabanta ang presidente ng UM sa mga dumalo sa pagpupulong na namamatay daw ang lahat ng kumakalaban sa kanilang eskwelahan.
Kaya’t agad siyang nag-draft ng Senate Resolution in aid of legislation na isusumite para magkaroon ng malalimang imbestigasyon hinggil sa nasabing isyu. Ipatatawag din sa Senado ang presidente at mga opisyal ng UM, CHED, at mga former at present student na nakakaranas ng problema sa mga baluktot umanong sistema ng unibersidad.
“Ang tanong: Mamamatay ba ang 24 senators at ang mismong Senado na magiimbestiga sa problemang ito ng UM tulad ng pasaring ng kanilang presidente?! ABANGAN!,” pagtatapos ni Tulfo.
Photo credit: Facebook/raffytulfoinaction