Makatanggap ng atuda ang mga magsasaka, iskolar at TODA sa Fourth District ng Nueva Ecija, ito ang pangako ni Representative Emeng Pascual kanyang mga ka-distrito.
Sa isang video na inilabas sa kanyang social media page, binigyang-diin ni Pascual ang dalawang natatanging uri ng mga magsasaka sa kanyang distrito: ang mga nagtatanim sa tabi ng ilog at ang mga nakatuon sa produksyon ng palay. Tiniyak niya sa dalawang grupo na makakatanggap sila ng malaking tulong pinansyal.
“Magmula sa bayan ng General Tinio, Penaranda, Gapan, San Isidro, Cabiao. Lahat po ng nagtatanim ng gulay diyan, ipapatawag ko isang araw. Magkakainan tayo at magbibigay ako ng limang libo sa bawat isa,” anunsyo niya.
Ipinaabot din ng kongresista ang kanyang suporta sa mga nagtatanim ng palay. “Isusunod ko naman po ang magbubukid na nagtatanim ng palay, bibigyan ko rin po kayo ng tig limang libo bawat isa,” dagdag niya.
Naging sentro din ang edukasyon sa mga pangako ni Pascual dahil aniya ay magbibigay siya ng tulong pinansyal sa siyam na libong iskolar sa distrito. “May siyam na libong scholar naman ang bibigyan ko din.”
Higit pa rito, hindi rin nakalimutan ang mga TODA o tricycle operators and drivers’ associations sa mga plano ng mambabatas. Nangako siya na bibisitahin ang TODA ng bawat bayan at ipaabot ang kanyang suporta sa mga mahahalagang miyembro ng komunidad na ito.
“Pupuntahan ko ang mga TODA sa bawat bayan. Huwag kayong mag-alala, lahat po kayo bibigyan ko.”
Photo credit: Facebook/profile.php?id=100044296426462