Kinumpirma ng House of Representatives na ang byahe ni Quezon City Rep. Arjo Atayde kasama ang kanyang asawang si Maine Mendoza sa iba’t ibang bansa sa Europe ay “official” sa ilalim ng kanyang kapasidad bilang opisyal ng Kongreso.
Gayunpaman, nilinaw na personal niyang sasagutin ang lahat ng gastusin kaugnay sa nasabing byahe. Ang kumpirmasyon ginawa sa gitna ng social media controversy na dulot ng isang artikulo na umani ng reaksyon sa kay Mendoza.
Ayon sa kopya ng travel authority na ipinagkaloob kay Atayde, na isinapubliko ni House Secretary General Reginald Velasco, ay pinayagan ng Kamara ang mambabatas na dumalo sa Locarno International Film Festival sa Switzerland para sa premiere ng kanyang pelikulang “Topakk.”
Ang byahe ay sakop din ng kanyang papel bilang ang House Special Committee on Creative Industry and Performing Arts vice chairperson.
Bukod pa rito, pinahihintulutan din si Atayde ng travel authority na bumisita sa mga Filipino community sa Italy at Greece mula Agosto 5 hanggang 27.
“Hon. Atayde did not request for any funding from the House of Representatives and said travel will be at his own expense,” pagbibigay-diin ni Velazco.
Ngunit dahil pinahintulutan ng Kamara ang biyahe, si Atayde ay karapat-dapat sa travel tax exemption, aniya.
Ang paglilinaw na ito ay kasunod ng reaksyon ni Mendoza, na nagpahayag ng pagkadismaya sa isang news article na tinawag na “official” ang kanilang byahe sa Switzerland.
Binigyang-diin ni Mendoza na ang artikulo ay walang konteksto at ipinahiwatig na ang biyahe ay popondohan ng gobyerno.
“I will probably be asked to delete this again but I shall say it again one last time, EVERYTHING is at PERSONAL EXPENSE. 100%. No government funds will be used,” aniya.
Photo credit: Facebook/arjoataydeofficial