Patuloy na ipinamalas ni Senador Lito Lapid ang kanyang commitment sa edukasyon ng mga kabataan sa bansa sa pagbibigay niya ng donasyon na P40 milyon para suportahan ang pagtatayo ng apat na palapag na gusali na may 12 silid-aralan sa Francisco Henson Elementary School sa Barangay Sta . Cruz, Porac, Pampanga.
Naganap ang turnover ceremony noong Agosto 2, sa presensya ni Porac Mayor Jaime Capil.
Bilang isang high school graduate lamang, sinabi ni Lapid na gusto nyang mabigyan ng maayos na edukasyon ang mga kabataang estudyante dahil sila ang tanging pag-asa ng ating bansa.
“Sabi nga po ni Gat Jose Rizal, ang kabataan ang pag-asa ng bayan dahil sila ang punong-puno ng enerhiya, talino at pagaasam na baguhin ang ating lipunan,” aniya.
Ipinahayag din ng mambabatas ang kanyang pasasalamat sa mahahalagang kontribusyon ng pamunuan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation, lalo na ang dating at kasalukuyang chairman/CEO na sina Andrea Domingo at Alejandro Tengco.
Photo credit: Office of Sen. Lito Lapid