Isiniwalat ng Commission on Audit (COA) ang paglobo ng gastusin ng Office of the President (OP) para sa mga opisyal na byahe noong nakaraang taon dahil sa mga state visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
Ayon sa Annual Audit Report ng COA, ang mga gastusin ng OP sa byahe ay tumaas ng tumataginting na 996%, na umabot sa kabuuang P403 milyon noong 2022, kumpara sa P36.8 milyon lamang na ginastos noong nakaraang taon.
Ang malaking bahagi ng pagtaas na ito ay dahil sa mga byahe sa ibang bansa, na umabot sa P392 milyon noong 2022, mula sa P25 milyon lamang na ginastos noong 2021, ang huling buong taon ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ipinaliwanag ng COA na kasama sa Travelling Expenses-Foreign account ang iba’t ibang gastos para sa pagpapadali sa pagbyahe ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno sa labas ng bansa. Kasama sa kategoryang ito ang mga gastos na nauugnay sa transportasyon, travel per diem, pagpoproseso ng pasaporte at visa, at iba pa.
Ipinunto ng COA na ang P367.0 milyon na pagtaas ng gastusin ay dahil sa pagdalo ni Marcos sa mga foreign summit at state visit sa anim na bansa. Kabilang dito ang mga opisyal na pakikipag-ugnayan sa Singapore, Indonesia, United States of America, Cambodia, Thailand, at Belgium.