Sa layuning mapanatili ang kaligtasan at karapatan ng mga manggagawa sa industriya ng business process outsourcing (BPO) sa bansa, isinusulong ngayon ni Senador Lito Lapid ang panukalang batas na naglalayong magbigay ng sapat na proteksyon sa kanilang sektor.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2235, ipinahayag niya ang kahalagahan ng BPO industry sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa. Ayon sa mambabatas, sa nakalipas na dalawang dekada, malaki at patuloy na lumalawak ang BPO sektor sa Pilipinas.
Kilala ang mga manggagawang Pinoy sa kanilang mataas na antas ng kaalaman sa wikang Ingles, na siyang nagtutulak sa mga kompanya ng BPO na piliin ang kanilang serbisyo sa mga voice-based na operasyon tulad ng customer support at telemarketing.
Saad pa ni Lapid, ang Pilipinas ay mayroong 10-15% na bahagi sa pandaigdigang BPO market, na nag-aambag ng halos $30 bilyon kada taon sa ekonomiya ng bansa, katumbas ng halos siyam na porsyento ng gross domestic product ng bansa.
Sa datos ng 2019, mahigit sa 1.3 milyong Pilipino ang nagtatrabaho sa BPO sector, at inaasahan pang magpapatuloy ang paglago nito ng 8 hanggang 10 porsyento kada taon.
“Kailangan natin na masiguro na may wastong pamantayan sa mga manggagawa sa BPO sector, kabilang na ang makataong pagtrato gayundin ang pagtiyak na may sapat na mga benepisyo, prebilihiyo at maaliwalas na working conditions sa mga kumpanya.”
Gayunpaman, binigyang-diin ni Lapid na tila hindi pa sapat ang kasalukuyang proteksyon at pangangalaga sa mga manggagawa sa BPO, lalo na’t patuloy ang pagtaas ng demands at nakapako sila sa results-oriented industry.
Layunin ng panukalang batas ni Lapid na itatag ang isang makatarungan at pantay-pantay na sistema para sa BPO industry, na magbibigay ng sapat na proteksyon sa mga manggagawa at negosyante.
Kabilang sa mga probisyon ng panukalang batas ay ang pagbabawal sa “understaffing” o “overloading,” at ang pagtakda ng tamang “ratio of BPO worker to client quota” o di kaya “quantitative targets.”
Kasama rin sa panukalang batas ang “regularization” ng mga manggagawang BPO at ang pagsusulong ng kanilang mga karapatan sa “self-organization” at pakikilahok sa mga “democratic exercises.”
Kapag naipasa ang nasabing panukalang batas, maaaring parusahan ang sinumang lumabag sa mga probisyon nito, na maaaring magresulta sa multang P100,000 o pagkakabilanggo ng hindi bababa sa dalawang taon at hindi hihigit sa isang taon, batay sa hatol ng korte.
Photo credit: Facebook/senateph