Binabatikos ngayon ng netizen si Vice President at Education Secretary Sara Duterte matapos niyang ipag-utos ang pag-alis ng anumang dekorasyon sa mga silid-aralan, kasama na ang tradisyunal na visual aids sa pag-aaral.
Ang kontrobersyal na hakbang ay bahagi ng Department of Education Order No. 21, series of 2023, na naglalatag ng mga alituntunin para sa Brigada Eskwela, isang inisyatiba na naglalayong mapanatili ang kalinisan at kahusayan ng mga pasilidad ng paaralan.
Ipinagtanggol ni Duterte ang kanyang desisyon, at sinasabi sa isang pahayag na, “The order is what it is. Take out everything on the wall and let learners focus on their studies. Classrooms and schools should be clean, orderly and functional.”
Gayunpaman, iginiit ng mga kritiko na ang utos ay nagbalewala sa iba’t-ibang istilo ng pag-aaral ng mga estudyante at sa kahalagahan ng visual aids. Ipinaabot ni Facebook user Jan Arizapa ang kanyang pag-aalala sa epekto nito sa mga visual o spatial learners, ipinaliwanag niya na ang visual aids at larawan ay maaring makatulong nang malaki sa proseso ng pag-aaral.
“Inday Sara Duterte Hi, are you even aware na may tinatawag tayo na visual or spatial learners? Meaning to say mas mabilis natututo ang estudyante if may visual aids or pictures na nakikita. From confidential funds to this. Worth it pa ba boto niyo sa taong ‘to? Lol,” aniya.
Kinwestyon naman ni Facebook user Mark Rossimo ang kakulangan sa comprehensive research bago ipatupad ang utos. Binanggit niya ang iba’t-ibang iba pang isyu na maaring maging sagabal sa epektibong pag-aaral, gaya ng siksikang clasroooms, kakulangan sa teaching materials, at kagutuman sa mga estudyante na mula sa mga pamilyang nangangailangan.
“Did Sara Duterte conduct a due diligence study on visual learning before implementing a drastic order? Or, is this just another ‘trial and error’ policy that will only last for a year without considering the already incurred cost of buying and printing those classroom materials? Karamihan diyan gastos pa ng teachers at students o school projects,” ayon kay Rossimo.
Nagpahayag din ng kanilang mga opinyon ang mga kritiko sa X (Twitter). Binatikos ni User Philip Jamilla ang kakulangan ng pang-unawa ni Duterte sa edukasyon, at sinabing, “The way you can easily tell that this certain Sara Duterte is not an educator… a lot of children are visual learners; ‘decorations’ in classrooms are often educational materials! Ang dapat tinatanggal ay ‘yung picture niya sa mga silid—at siya mula sa pwestong unqualified siya.”
Si X (Twitter) user Rodolfo Medrano naman ay nagpahayag ng pag-aalala sa umano’y militarization ng public education system, na itinuturing niyang resulta ng direktiba ni Duterte.
“THE MILITARIZATION of our public education system courtesy of Sara Duterte. Very subtle move indeed,” aniya.