Inanunsyo ni Pasig City Mayor Vico Sotto sa kanyang social media page na na mamahagi ang local government ng P1,500 transport allowance para sa mga K-12 students. Magsisimula ang pamamahagi ng allowance sa Setyembre 6-15, 2023.
Humingi rin siya ng paumanhin sa mga Pasigueño dahil sa late na pamamahagi ng mga school supply.
“Ako po ay humihingi ng inyong pasensya. First time lang din natin ito; maasahan niyo na sa susunod na school year ay mas aagahan namin ang timeline,” ayon kay Sotto.
Binanggit din ng alkalde na ang pamimigay ng transport allowance ay isang hakbang bilang pagbawi sa mga estudyanteng Pasigueño.
“Alam kong maraming gastusin pag magpapasukan, kaya sana makabawi ako sa inyo kahit papaano sa pamamagitan ng nasabing cash allowance,” aniya.
Patuloy din ang Pasig local government sa pamamahagi ng vitamins sa mga estudyante bilang parte ng kanilang proyekto na “Malusog na Batang Pasigueño” (MBP). Ngayong Setyembre, magkakaroon sila ng second tranche ng MBP kung saan mamimigay sila ng gatas, at para naman sa third tranche, mamahagi naman sila ng bigas para sa mga estudyante.
Maraming mga netizen ang napa “sana all” sa social media ng malaman nila ang proyektong ito ni Sotto. Saad ng karamihan, hindi kailangan humingi ni Sotto ng paumanhin dahil masaya sila sa magandang paglilingkod ng alkalde. Ayon din sa mga netizen, siya ang kanilang susunod na presidente. Wala namang opisyal na pahayag si Sotto patungkol sa posibilidad na pagtakbo niya sa pagka pangulo.
Photo credit: Facebook/PasigPIO