Tila nababagalan si Senator Chiz Escudero sa pagsasampa ng kaso ng Bureau of Customs (BOC) sa mga pinaghihinalaang rice smugglers at hoarders kung kaya’t hinamon na niya ang nasabing ahensya na sampolan na ang mga ito.
Ito ay kasabay ng pagbatikos niya sa kabiguan ng BOC na ibunyag ang pagkakakilanlan ng mga negosyante at warehouse operator na sangkot sa kamakailang rice-related raids na isinagawa ng mga awtoridad.
“Ang dami nang raids na ginawa nitong mga nakaraang linggo, bakit hanggang ngayon, wala pang kasong isinasampa sa mga taong sangkot?” tanong ni Escudero, na binigyang-diin ang kahalagahan ng mabilis na pagsasampa ng kaso sa mga sinasabing sangkot sa illicit rice trade.
Aniya, kailangan ng legal na aksyon upang magsilbing deterrent sa gitna ng pangako ng gobyerno sa pagsugpo sa mga smuggler at hoarders.
“Hindi tayo dapat nagtatapos sa mga raids lamang. Naghihintay at nagmamatyag ang taumbayan sa susunod na hakbangin ng pamahalaan. Sampahan na agad ng kaso ang mga dapat sampahan. We should bring them to the court of justice to prove that this administration is resolute in its campaign against the rice cartel,” deklara ng mambabatas.
Ang panawagan niya ay batay sa Republic Act 10845 o Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016. Ayon sa batas, ang malakihang pagpupuslit ng mga produktong pang-agrikultura, kabilang ang bigas, ay isang uri ng economic sabotage. Anumang smuggling operation na kinasasangkutan ng hindi bababa sa P10 milyong halaga ng bigas ay itinuturing na isang serious offense.
“Bakit hanggang ngayon, walang kaso? Why haven’t I heard anyone sued for economic sabotage or something? Who owns these warehouses? Who are the people involved?” giit ni Escudero.
Noong Setyembre 15, nasabat ng mga awtoridad ang tumataginting na 42,180 sako ng bigas na nagkakahalaga ng P42 milyon sa Barangay San Jose Gusu, Zamboanga. Ang mga kalakal ay kulang sa kinakailangang sanitary at phytosanitary import clearance mula sa Bureau of Plant Industry.
Dalawang linggo bago ang inspeksyon ng BOC sa tatlong bodega sa Bulacan, natuklasan ang hinihinalang smuggled na bigas na nagkakahalaga ng P505 milyon.
Bukod sa paghihimok ng mabilis na legal na aksyon laban sa mga umano’y hoarder, nanawagan si Escudero ng transparency hinggil sa pag-usad ng mga kasong ito.
“Ito ang mga dapat nilang masagot ngayon: who oversees the disposition and how will it be disposed? Ano ang gagawin nila sa mga bigas na nakumpiska?” tanong niya.
Photo credit: Facebook/BureauOfCustomsPH