Sa layuning matugunan ang patuloy na epekto ng inflation sa mga gastusin ng mga kandidato sa electoral campaigns, itinutulak ngayon ni Senador Lito Lapid ang isang makabago at makabuluhang panukalang batas na magbibigay ng solusyon sa problema na ito.
Sa ilalim ng Senate Bill No. (SBN) 2460, iniakda niya ang hakbang para taasan ang pondo na maaaring gamitin ng mga kandidato sa mga national at local elections sa bansa.
Ayon kay Lapid, mahalaga na amyendahan ang umiiral na Republic Act No. 7166 o “Synchronized National and Local Elections and for Electoral Reforms Act of 1991.” Sa naturang batas, itinakda ang mga limitasyon sa campaign expenses ng bawat kandidato sa eleksyon.
Gayunpaman, sa loob ng mahigit tatlong dekada, hindi naaangkop ang mga itinakda nitong limitasyon, partikular na ang limitasyon sa campaign expenses bawat botante na umaabot lamang sa tatlong piso hanggang sampung piso.
“Mahigit tatlong dekada na po mula nang isabatas ang R.A No. 7166, at ang tatlong piso hanggang sampung pisong limitasyon sa campaign expenses kada botante ay wala na pong halaga ngayon,” paliwanag ng mambabatas.
Sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa, ang inflation ay nagdulot ng malawakang pagtaas sa gastusin, kabilang na rito ang advertising, transportation, at campaign materials. Sa ilalim ng SBN 2460, bibigyan ng mandato ang Commission on Elections (COMELEC) na mag-update o magtakda ng limitasyon sa campaign expenses depende sa pabago-bagong kalagayan ng ekonomiya dahil sa inflation.
“Sa pamamagitan po ng pag-a-update ng mga gastusin sa kampanya, layunin nating gawing mas makatotohanan ang badyet sa kampanya at sumasalamin sa umiiral na presyo ng mga produkto at serbisyo,” dagdag pa ng senador mula sa Pampanga.
Naniniwala rin siya na ang panukalang batas na ito ay mahalaga at matagal ng hinintay ng mga kandidato. Ayon sa kanya, kung naisabatas lamang ito noon pa, magkakaroon ng benepisyo ang mga kandidato sa nalalapit na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections na gaganapin sa October 30.
Sa kasalukuyan, ang mga umiiral na limitasyon sa campaign expenses para sa mga presidential candidate ay P50, para sa vice-president ay P40, at P30 para sa mga senator, district representative, governor, vice-governor, board member, mayor, vice-mayor, councilor, at party-list representative. Gayunpaman, hindi binago ang P5 limitasyon para sa mga independent candidate.
Para sa mga political parties, inamyenda rin ang panukala. Itinaas ang ceiling cap mula sa P5 ay gagawing P30 para sa bawat botante. Samantala, ibinigay din ng SBN 2460 ang mandato sa Comelec, katuwang ang Bangko Sentral ng Pilipinas, National Economic and Development Authority, at Philippine Statistics Authority na magbago ng limitasyon sa campaign expense kada botante base sa inflation rate at consumer price index.
Nagbabala rin si Lapid na ang umiiral na batas sa “allowable campaign expenses” ay nagpapalakas loob sa mga kandidato at political parties na mag-“underreport” o dayain ang ulat sa kanilang aktwal na gastusin sa kampanya. Sa mga susunod na buwan, inaasahan na magkakaroon ng masusing talakayan sa Senado tungkol sa panukalang batas na ito.