Nagpahayag ng pagkadismaya si Senador Bato dela Rosa kay Senador Risa Hontiveros na naghain ng resolusyong nag-uudyok kay Pangulong Bongbong Marcos na makipagtulungan sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa mga di umano’y human rights violations sa bansa.
“Masama po ang loob ko. But anyway, baka sabihin niya trabaho lang walang personalan. Pero sa akin, that’s very personal because I’m one of the subjects na iimbestigahan,” aniya.
Bilang dating hepe ng Philippine National Police (PNP) at isa sa mga kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte, naging pangunahing tauhan si Dela Rosa sa pagpapatupad ng agresibong kampanya laban sa droga ng gobyerno mula nang mabuo ito noong 2016.Â
Nagsimula ang pagkakasangkot ni Dela Rosa sa “War on Drugs” nang maupo siya sa posisyon ng PNP Chief noong Hulyo 2016 matapos i-appoint ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Naging laman ng mga balita at atensyon ng mga international human rights group ang nasabing kampanya dahil sa mga alegasyon ng human rights violation.Â
Sa Senate Resolution No. 867, binigyang-diin ni Hontiveros ang pangangailangan ng Malacañang na ipakita ang dedikasyon nito sa pagtataguyod ng karapatang pantao sa pamamagitan ng aktibong pagtulong sa ICC sa pagbibigay ng hustisya sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao.Â
“Ayon sa mga pinakahuling pahayag ng Pangulo, mukhang posible itong kooperasyon na matagal nang hinihingi ng mga biktima ng human rights violations at kanilang pamilya,” aniya.
Inamin kamakailan ni Marcos na isinasaalang-alang ng kanyang administrasyon ang posibilidad na muling sumali ang Pilipinas sa ICC, halos limang taon matapos ang pag-withdraw ng bansa sa termino ni Duterte.
Nilinaw ng resolusyon ni Hontiveros na ang pag-alis ng Pilipinas sa ICC noong 2018, sa gitna ng aktibong pagsisiyasat ng ICC sa War on Drugs, ay hindi nangangahulugan na hindi na rin maaaring makipagtulungan ang bansa sa international tribunal.
“The Philippines has historically been at the forefront of advancing humanitarian law and international justice, and it is high time that we affirm our commitment to these values before the international community,” aniya.
“Sana ay hudyat na ito ng mas matibay na pagpapahalaga ng pamahalaan sa hustisya at karapatang pantao – at hindi pakitang tao lamang.”