Sinagot ngayon ni Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Representative Aurelio Gonzales Jr. ang kamakailang pahayag ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na ginagawang sandata ng Kamara ang mga resolusyon sa International Criminal Court (ICC) cooperation.
Nagpahayag ng paggalang si Gonzales sa opinyon ni dela Rosa habang binibigyang-diin ang kahalagahan ng parliamentary courtesy:
“We respect the opinion of Sen. Bato de la Rosa, but we ask for parliamentary courtesy from our esteemed colleague in the Senate.”
Binigyang-diin ni Gonzales ang mandato ng Kamara na gampanan ang mga tungkulin at responsibilidad nito, lalo na sa pagtugon sa mga bagay na may kaugnayan sa international cooperation:
“As the senator very well knows, the House of Representatives is mandated to act on resolutions filed by its members regardless of political affiliations in the same manner that the Senate takes action on measures presented by senators.”
Matatandaang nagpahayag ng pagkadismaya si dela Rosa tungkol sa timing ng mga resolusyon sa Kamara at Senado patungkol sa ICC cooperation.
“Bakit ngayon lang ‘yan nagsipaglabasan itong mga resolution kung kailan nagkakaroon ng gusot between the Speaker of the House (Martin Romualdez) and Vice President (Sara) Duterte and former President (Rodrigo) Duterte?” aniya sa isang TV interview
“Parang bang the people are thinking that, ‘Are they going to weaponize the ICC in order to silence the Dutertes?’ ‘Yon ang nagiging tanong.”
Bilang dating hepe ng Philippine National Police (PNP) at isa sa mga kaalyado ni dating Pangulong Duterte, naging pangunahing tauhan si Dela Rosa sa pagpapatupad ng agresibong kampanya laban sa droga ng gobyerno mula nang mabuo ito noong 2016.
Nagsimula ang pagkakasangkot ni Dela Rosa sa “War on Drugs” nang maupo siya sa posisyon ng PNP Chief noong Hulyo 2016 matapos i-appoint ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Naging laman ng mga balita at atensyon ng mga international human rights group ang nasabing kampanya dahil sa mga alegasyon ng human rights violation. Ito rin ang pangunahing dahilan kung bakit gustong magsagawa ng imbestigasyon ang ICC dito sa Pilipinas.
Photo credit: House of Representatives Official Website