Bukas ang opisina ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa mga senador na miyembro ng Senate Committee on Games and Amusements na gustong obserbahan ang lottery processes at draws, ayon sa general manager nito.
Ito ay upang tiyakin ang transparency at alisin ang mga pagdududa tungkol sa integridad ng mga lottery operations.
Ayon kay PCSO General Manager Mel Robles, tiwala siya sa integridad ng lottery process at sinabing, “The PCSO for the past 89 years has kept its integrity beyond question. And we are committed to following that unsullied reputation.” Binigyang-diin pa niya na ang pag-imbita sa mga senador na saksihan mismo ang mga proseso ay mag-aalis ng anumang pagdududa sa pagiging patas at transparency ng lottery draws.
“The best way to erase any doubts about the integrity of results is for the senators to see for themselves how the draws are being conducted,” paliwanag ni Robles. Iminungkahi pa niya na magsagawa ng unannounced inspection ang mga senador upang higit na mapalakas ang kredibilidad ng mga lottery operations.
Sa isang liham na may petsang Enero 22, ipinaabot ni Robles ang imbitasyon kay Committee chairperson Sen. Manuel Lapid, vice chairperson Sen. Christopher “Bong” Go; Raffy Tulfo, kasama ang mga miyembro ng komite na sina Senators Jose Ejercito Jr., Francis “Chiz” Escudero, Ramon Bong Revilla Jr., Francis Tolentino at Risa Hontiveros.
“We are committed to openness and accountability in the conduct of all our lottery activities. We believe that fostering transparency in the lotto draw process is crucial in maintaining public trust and confidence in the integrity of our operations,” aniya.
Samantala, naghain ng Resolution 1547 si Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers, na nananawagan ng agarang imbestigasyon sa umano’y disadvantageous na kontrata sa pagitan ng PCSO at Pacific Online Corporation, ang e-lotto operator. Ang e-lotto system ay nahaharap ngayon sa kontrobersiya pagkatapos mapanalunan ng iisang online bettor ang P640 million sa 6/49 lotto draw noong Enero 16 ngayong taon.
Nagpahayag ng pagkabahala si Barbers sa pagpapatupad ng kontrata nang walang pag-apruba mula sa Office of the Government Corporate Counsel (OGCC). “With this alone, Robles has put the PCSO in a bind and exposes it to lawsuits. Instead of heeding the OGCC call, he threw all cautions to the wind and wantonly implemented the contract,” aniya.
“The purpose of the investigation is to find out the reasons for the findings of the OGCC and the reasons why the PCSO GM disregarded such findings, to the great disadvantage of the government,” dagdag ni Barbers.
Nanawagan naman si Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez na magbitiw si Robles sa posisyon dahil sa diumano’y kabiguang protektahan ang mga kabataan, lalo na ang mga bata, mula sa e-lotto o online lotto project ng ahensya.
Binigyang-diin ni Rodriguez ang potensyal na negatibong epekto ng e-lotto sa kapakanan ng mga bata, at hinimok ang PCSO na ituon ang pansin sa nito sa charity works na pangunahing mandato nito.
“The PCSO ignored the three OGCC recommendations and they must face legal sanctions accordingly,” aniya.