Pinuri ni Sen. Grace Poe ang Commission on Elections (Comelec) sa mabilisan nitong aksyon upang suspendihin lahat ng proceedings kaugnay ng nilulutong people’s initiative o PI.
Ang People’s Initiative ang isa sa mga paraan na isinsulong ng Kongreso para ma-amyendahan ang 1987 Constitution.
Tinawag naman ito ni Poe na “Pekeng Initiative” dahil diumano ito’y pabor lamang sa mga ambisyon at nais ng mga politikong nagsusulong nito. Peke diumano ang PI dahil itinutulak ito ng mga politikong gumagamit ng pera para lokohin ang publiko para suportahan ang Cha-cha.
“Kung gusto ng ating mga kababayan ng Cha-cha, sila dapat ang nasa sentro ng tunay na people’s initiative, hindi politiko,” aniya.
Sa isang Comelec en banc, ipinatigil ang lahat ng mga pagdinig na may kinalaman sa people’s initiative para amyendahan ang 1987 Constitution.
“The commission en banc by a unanimous decision decided to suspend any and all proceedings concerning the people’s initiative,” ito ang binigyang diin Comelec Chairman George Garcia noong 29 Enero nang suspendihin nito lahat ng hakbangin ukol sa PI.
Binatikos din ni Poe ang PI kung saan ang panukala ay boboto bilang iisang body ang mga kongresista at mga senador. Lalagpas sa 300 ang bilang ng mga kongresista ngayon habang 24 lamang ang mga Senador.
“It is inherently wrong. Maling-mali ang sinasabi sa tinatawag nilang People’s Initiative (PI) kasi method na ang pinag-uusapan, voting jointly, imbes na yung mga probisyon na kailangang palitan,” aniya.
Sinabi ng mambabatas na kung ang intensyon ng PI ay ang amyendahan ang mga batas ukol sa ekonomiya, dapat na inilatag ito nang maigi sa probisyon ng PI.
“Bakit hindi na lang inilagay na: ‘Sa ating mga kababayan, payag ba kayo na baguhin natin ang mga probisyon na nakatutok sa ekonomiya?’ Kaso ang pinapapirmahan sa mga tao ay ‘yung tungkol sa Congress voting jointly. So, malinaw na malinaw na meron silang ibang pakay dito,” tanong niya.
Photo credit: Facebook/senateph