Kinastigo ni Sen. Imee Marcos at tinawag pang “Pakialamera” si United Nations Special Rapporteur Irene Khan matapos ang panawagan nito na buwagin ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
“Sampung araw lang sa Pilipinas si Khan at iilan lang ang nakausap na pinaborang mga witness, tapos may alam na sya at karapatan na pagsabihan ang gobyerno sa mga dapat gawin? Ni hindi nga niya napuntahan ang mga barangay kung saan nag-ooperate ang NTF at ang sabi sa akin ay ngayon lang yan nakaapak ng Pilipinas,” aniya.
Ilang araw pa lamang nang nakalipas nang manawagan si Khan na buwagin na ang NTF-ELCAC.
Inirekomenda rin niya na maglabas ang administrasyon ng executive order na nagsasaad ng mahigpit na polisiya laban sa “red tagging,” maglabas ang Commission on Human Rights (CHR) ng eksaktong depinisyon ng “red-tagging” at “terror-tagging,” at magpanukala ng lehislasyon para dito.
Sa kabila nito, sinabi ni Marcos na mababaw ang pag-unawa ni Khan sa isyu ng komunismo sa bansa. Banta din diumano ni Khan, ang plano ng Pilipinas na mamuno sa UN Commission on the Status of Women at makakuha ng puwesto sa UN Security Council ay nakasalalay sa pagsunod sa kanyang mga natuklasan.
Ayon pa sa mambabatas, hindi na umano nakakagulat ang panawagan dahil alam naman niyang pabor ito sa Amnesty International.
Naniniwala din siya na kontra-produktibo at mas mapanganib kapag binuwag ang NTF-ELCAC.
“Libo-libong rebelde ang mapayapang nagbalik-loob sa gobyerno. Halos tagumpay nang nagwagi ang gobyerno sa communist insurgency, na may 1,800 na lang na rebeldeng natitira, ayon sa ating military at mga pulis,” aniya.
“Mahalagang panatilihin natin ang presensya ng NTF-ELCAC at palakasin ang mandato nito na ipagpatuloy ang mapayapang pagbabalik-loob sa gobyerno at makataong rehabilitasyon ng mga rebel returnees,” giit ni Marcos.
Photo credit: Facebook/senateph, Facebook/pnagovph