Kung si ACT Teachers Representative France Castro ang tatanungin, dapat lang na imbitahan ng Senado si Vice President Sara Duterte upang pagpaliwanagin tungkol sa mga alegasyon na tumanggap siya at ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ng mga baril mula kay Apollo Quiboloy.
Ayon kay Castro, nahaharap ngayon ang nakababatang Duterte sa malaking paratang at ito ay dapat niyang harapin sa halip na magpaligoy-ligoy.
Tinutukoy niya ang isang pahayag ng isa sa mga saksi na lumitaw sa pagdinig ng Senate women and children committee na nag-iimbestiga sa mga alegasyon ng trafficking at sexual abuse laban kay Quiboloy, ang founder ng Kingdom of Jesus Christ (KJC).
Sa isang panayam, sinabi ni “Rene,” na nagtrabaho bilang isang landscaper sa Glory Mountain compound—ang “prayer mountain” ni Quiboloy malapit sa Mt. Apo, na minsan ay nakita niya ang pinuno ng KJC na may dalang malaking bag na puno ng iba’t ibang klase ng baril at inilapag ito sa loob ng isang tolda malapit sa kanyang mansyon.
Dagdag niya, kapag dumadalaw ang mag-amang Duterte kay Quiboloy ay dinadala nila pauwi ang parehong mga bag na may laman na baril.
Ang nasabing alegasyon ay ipinagkibit-balikat lang ni VP Duterte at sinabing, “Sa kasaysayan ng Pilipinas, naging kagawian na ang pag-atake at pagbato ng sari-saring isyu laban sa Bise Presidente.Marahil, sapagkat ang Bise Presidente ang tumatayong pangunahing hadlang sa mga nangangarap maging pangulo.
“Hindi ko ikakagulat kung dumami pa ang mga kaso, imbestigasyon, testigo, paratang, atake, at paninira laban sa akin sa mga susunod na araw, lingo, buwan, at mga taon.”
Ngunit ang pahayag na ito ay kinuwestiyon ni Castro dahil, aniya, ito ay paiwas at hindi tuwirang sumasagot sa alegasyon ng pagtanggap ng armas mula kay Quiboloy.
Photo credit: House of Representatives Official Website, Facebook/OfficeOfTheVicePresidentPH