Nagpahayag ng matinding pagkabahala si Senator Lito Lapid sa paglaganap ng mga advertisement ng online gambling sa iba’t ibang social media platforms sa bansa.Â
Bilang chairman ng Senate Committee on Games and Amusements, nagbabala siya sa mga panganib na dulot ng exposure ng mga kabataan sa online gambling sa pamamagitan ng mga platform tulad ng Facebook, X, Instagram, at TikTok.Â
Binigyang-diin ni Lapid na ang exposure na ito ay maaaring makasira ang kanilang mga pagpapahalaga at moralidad kung hindi matutugunan ng gobyerno.
“Kung ang kabataan ay nakalulusot sa paglalaro sa online gaming, papaano natin sila palalakihin ng maayos at may moralidad sa buhay. Nakalulungkot na masisira ang pagpapahalaga ng ating kabataan sa masamang bisyong ito at posibleng maitaya pa nila ang konting baon sa eskwela. Ang masaklap pa nito, baka maging mitsa ito ng pang-uumit sa kanilang mga magulang at matuto na rin silang magnakaw, gaya sa mga karakter sa FPJ’s Batang Quiapo,” aniya.
Dagdag ng mambabatas, napakadaling mag-install ng mga aplikasyon para sa online gambling sa mga cellphone at iba pang mobile device, na kadalasang hindi napapansin ng mga magulang. Napakadali din magparehistro dito sapagkat pangalan at edad lang ang kailangan.
Kabilang sa mga sikat na aktibidad sa online gambling sa mga kabataan ay ang poker, roulette, color games, at iba pang mala-casino na laro.
Bilang tugon, inihayag ni Lapid ang plano niyang maghain ng resolusyon na nananawagan ng imbestigasyon sa paglaganap ng illegal online gambling at upang magmungkahi ng batas upang pigilan ang pagkalat nito.
Photo credit: Facebook/SupremoSenLapid