Ang kamakailang viral videos na nagpapakita ng pest infestation sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay maaaring sinadya upang siraan ang administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., ayon kay House Assistant Majority Leader Raul Angelo “Jil” Bongalon ng Ako Bicol Partylist.
Sa isang press briefing, binigyang-diin niya ang kahina-hinalang timing at magkasunod na paglabas ng mga video, at nagbabala na malamang ay isa itong pagsisikap sa destabilisasyon laban sa kasalukuyang gobyerno.
“Posible po ba na maging destabilization ito laban sa present government? Posible po. That is my take,” puna ni Bongalon.
Inihambing niya ito sa mga nakaraang kontrobersiya tulad ng “tanim-bala” scam, at nagbigay ng babala na huwag balewalain ang mga ganitong pangyayari.
“Napaka-unusual lang po ano. Kasi una, surot. Ngayon daga na naman. Eh hindi na po natin dapat hintayin na dumating pa sa punto na yung tanim-bala ay bumalik na naman,” ayon sa mambabatas na nananawagan din ng agarang aksyon mula sa pamunuan ng NAIA.
“So, I guess, meron na po tayong kasamahan dito sa House of Representatives that will call for a legislative investigation with regards to this issue dahil nakakahiya po talaga sa atin,” pagtatapos niya.
Photo credit: Facebook/MIAAGovPH, House of Representatives Official Website