Nainsulto si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa pag-walkout ni Senador Raffy Tulfo sa isang pagdinig sa Senado.
Nangyari ang insidente sa imbestigasyon ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs sa umano’y inconsistencies sa pagkakaaresto kay Rodelio Vicente at anak nitong si Julius ng Bulacan police.
Ang pag walk-out ni Tulfo ay matapos hindi makakuha ng maayos na mga sagot sa mga pulis hinggil paggamit nila ng bonnet sa halip na uniporme sa operasyon at kung may warrant of arrest ba silang ipinakita sa pag-aresto.
“Mr. Chair, aalis na lang ako rito. Hindi ko matiis, nakikita ko na parang itong mga pulis, pinagloloko…I’m sorry, I have to walk out hindi ko kaya ito,” ani Tulfo.
“Sorry po, dun pa lang nagkaroon ng inconsistencies. Parang nabe-baby ito eh. The way I look at it, parang na ba-baby na naman ito.”
“The most insulting action is for that kasama mo dito magwo-walk out, wo-walk-outan ka,” puna naman ni Dela Rosa, na siya ring chair ng committee, sa naging aksyon ni Tulfo.
Ipinaliwanag ni Dela Rosa na nagsasagawa ang mga pulis ng tagong intelligence operation kaya ganoon ang kanilang bihis. Binigyang-diin din niya na patas ang pakikitungo niya sa lahat sa pagdinig at hindi pinapaboran ang sinuman.
“The worst thing na sabihin sa akin bene-beybi ko kayo at hindi ko matangap-tanggap ‘yan na beneybeybi. What’s the use of me being the chairman of this committee kung ibe-baby ko kayo?” pahayag pa ni Dela Rosa.
Sa kabila nito, ipinagpatuloy ni Dela Rosa ang pagdinig kasama si Senador Robin Padilla.
Photo credit: Facebook/senateph