Itinanghal ng Time News Magazine bilang isa sa mga influential person ngayong taon si Presidente Bongbong Marcos dahil sa kanyang pamamalakad at mga naiambag sa bansa.
Ayon sa international magazine, kasama si Marcos sa listahan ngayong taon dahil sa kanyang mga programa at pagpapakita ng dedikasyon upang mabago ang negatibong pagtingin sa pamilyang Marcos kaugnay sa dictatorship noong panahon ng panunungkulan ng kanyang ama.
Sa kanilang naisulat, si Marcos ay matagumpay sa kanyang layunin na pagandahin at i-angat ang bansa dahil na rin sa patuloy niyang paghikayat na mapaganda ang estado ng teknolohiya sa bansa.
Noong nakaraang taon, nabanggit ito ng presidente kaugnay sa kanyang plano at nakalatag na programa upang mahikayat ang mga Pilipino na palawigin ang teknolohiya sa bansa.
“We have a very big advantage of that because again, paulit-ulit kong sinasabi but talagang totoo, it’s our workforce. Dahil bata ‘yung workforce natin, magaling tayo sa tech. Madali para sa atin ang technology at siguro with the talent that we already have in the Philippines, kaunting upskilling na lang and we will already be at the forefront of this technology,” aniya sa interview kasama ang US tech companies.
Kasama sa patuloy na pagpapaganda ng bansa ang mga programa na ipinatupad ng presidente matapos magkaroon ng malaking epekto ang pandemic sa buhay, lalo na sa kabuhayan, ng mga Pilipino.
Maalalang naibahagi ng presidente noong April 13 sa Philippine-US Business Forum na ang Pilipinas ay nagpapakita na ng pag-unlad pagdating sa ekonomiya matapos ang pandemya na naghihikayat ng mas maraming investments mula sa ibang bansa.
“On the economy, I would like to share with you that for 2023, the Philippines achieved a 5.6 percent annual growth in GDP which outpaced other high-growth economies such as China, Vietnam, and Malaysia,” pahayag ng presidente.
Ang usapin naman tungkol sa alitan sa pagitan ng China at Pilipinas ay isa rin sa nabanggit na isang katangian kung bakit naging influential si Marcos. Naging highlight dito ang matapang na pagharap niya sa mga isyu na ito at sa patuloy niyang pakikipag-ugnayan sa ibang bansa ukol dito.
Kasama ni Marcos sa listahan ay ang iba pang leaders sa ibang bansa tulad nina Mohammed bin Abdulrahman Al Thani, Li Qiang, Ajay Banga, at William Ruto.