Hindi bababa sa kanyang pwesto si Cagayan Governor Manuel Mamba hangga’t hindi pinal ang desisyon ng Commission on Elections (Comelec) sa kanyang disqualification case.
Sa isang official statement, sinabi ng kanyang kampo na maghahain ito ng Motion for Reconsideration (MR) sa Comelec En Banc matapos ianunsyo ng Comelec ang kanyang disqualification bilang governor ng probinsya.
Ayon sa disqualification order na inilabas ng Comelec noong April 24, 2024, diumano ay may mga election laws na nilabag si Mamba, partikular na sa paggamit ng public funds sa kanyang kampanya noong 2022 national and local elections. Idineklara ng nasabing desisyon na bakante na ang Office of the Governor ng Cagayan.
Naninindigan naman ang kampo ni Mamba na hindi sakop ang local government units kagaya ng Cagayan sa pagbabawal sa paggamit ng public funds sa kampanya.
“Kaugnay rito, mananatili at ipagpapatuloy pa rin ni Gov. Manuel Mamba ang kaniyang tungkulin bilang gobernador ng lalawigan hanggat wala pang pinal na desisyon.”
Hinimok din ni Mamba ang kanyang mga tagasuporta na maging mahinahon.
“Umaapela si Gov. Mamba sa sambayanang Cagayano na maging kalmado at mahinahon dahil handa ang gobernador na harapin ang lahat ng mga gawa-gawang asunto laban sa kaniya sa mga prosesong ibinibigay ng batas.”
Matatandaang dati na siyang naharap sa katulad na sitwasyon nang i-overturn ng Comelec En Banc ang disqualification order na inilabas ng Second Division noong Disyembre 2022.
Photo credit: Facebook/cagayanPIOnow