Siniguro ng gobyerno na mananagot sa batas ang mga taong nagpapakalat ng deepfake audios at mga video matapos mabiktima ng nasabing krimen si Pangulong Marcos kamakailan lamang, ayon sa Presidential Communications Office (PCO).
Mariing sinabi ni PCO Assistant Secretary Patricia Kayle Martin na hindi biro ang lumabas na pekeng audio ng pangulo na inuutusan ang Armed Forces of the Philippines na kumilos para kalabanin ang isang foreign country.
Sabi ng ahensya, hindi na nabigla si Marcos sa nangyari dahil na rin sa dami ng gumagawa nito sa social media ngunit ayon kay Martin, nararapat managot ang kung sino man na may gawa nito dahil maari itong magdulot ng kapahamakan at panic sa taumbayan.
Sa isang radio interview sinabi niya na nakikipag-ugnayan na ang pamahalaan sa Department of Information and Communications Technology at National Security Council para matukoy kung sino ang nagpakalat nito sa social media.
“Well, actually, we reached out to DICT ‘no at sa ating National Security Council noong lumabas itong mga deepfake videos no and they’re very active sa pag-investigate about this,” aniya.
Dahil sa isyu na ito, mariing sinabi ni Martin na mas kailangan pang paigtingin ang pag-resolba sa problema ng fake news sa bansa dahil na rin sa patuloy na paglaganap nito.
“Actually, di ba ang dati po ang problema natin, may makikita tayo sa social media na mga quote cards or mga memes lang, ngayon iba na eh. Pati kasi ‘yung boses mayroon na. So, talagang mahalaga na tigilan ‘yung ganitong uri ng fakenews dahil may potential itong magdulot ng malubhang pinsala sa ating foreign relations and national security,” saad niya.
Kaugnay nito, sinabi rin niya na plano na nilang makipag-ugnayan sa iba’t-ibang uri ng social media platform tulad ng TikTok at Meta para sa kampanya kontra fake news.
Photo credit: Facebook/pcogovph