Hinimok ni Senador Win Gatchalian ang Senado na magkaroon ng imbestigasyon sa mga “gated villages” sa bansa na maaring pugad umano ng mga dayuhan kaugnay ng muling pagkakaroon ng Philippine offshore gaming operator (POGO) sa bansa.
Naalarma si Sen. Gatchalian sa pagdami ng naitalang foreign nationals na nakatira sa mga subdivision sa bansa. Sa kanyang suspetsa, maaring pagsimulan ito ng paglago ng POGO o internet gaming licensees (IGLs) sa bansa kaya marapat na imbestigahan agad.
Sa mga nakaraang report, may mga homeowners na nagpabatid sa pagdami ng foreign nationals sa isang village sa Paranaque City. Ayon sa kanilang pahayag, mayroong mga Chinese restaurants at spa sa lugar na tanging foreign nationals lamang ang maaring pumasok.
“This is something worthy of attention. We need to ensure that any significant gathering of foreign nationals is not for the purpose of engaging in illegal activities given the trend of rising criminality attributed to these individuals involved in the industry,” saad ng senador sa kanyang opisyal na panayam.
Dagdag niya, maaring bumubuo na ng bagong taktika ang mga foreign nationals para palaguin ang IGLs sa bansa.
“Alam nila kung paano gumalaw at kung sino ang kakausapin dahil pinag-aaralan ng mga sindikatong ito ang galawan dito. Malakas ang loob nila dahil meron silang mga koneksyon at nakakakuha sila ng proteksyon mula sa mga matataas na opisyal sa bansa,” aniya.
Saad ng senador, ang agarang pagimbestiga sa naturang pagdami ng foreign nationals sa mga subdivision ay para maiwasan ang nangyari noong nakaraang taon kung saan nahuli ang ilang Chinese nationals dahil sa POGO at pagkakaroon ng mga de-kalibreng baril sa kanilang lugar.
Maalalang noong nakaraang linggo, isinulong ni Gatchalian at Sen. Risa Hontiveros ang pagpapatigil ng POGO sa bansa dahil na rin sa epekto sa kaligtasan ng mga Pilipino at ekonomiya ng bansa.