Personal na humarap sa pagdinig sa Senado ang “Diamond Star” na si Maricel Soriano kaugnay ng pagkakadawit ng kanyang pangalan sa kumakalat na Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) “leaked” documents.
Sa Senate Committee on Public Order’s Investigation hearing, tahasang inamin ng tinaguriang “Taray Queen” na sa kanya ang condo unit sa Makati City na nag-uugnay kay Pangulong Bongbong Marcos sa paggamit di umano ng ipinagbabawal na gamot.
Pinabulaan din ng beteranang aktres na pagmamay-ari niya ang mga umano’y natatagong iligal na droga sa nasabing condo unit.
Bulalas pa ni “Marya,” naibenta na raw niya ang nasabing Makati condo unit sa parehong taon kung saan nakasaad sa kumakalat na “leaked documents” ng PDEA.
Itinaggi rin ng aktres ang pagkakadawit ng kanyang pangalan sa paggamit ng iligal na droga. Wala rin daw siyang kinalaman sa kumakalat na dokumento ng nasabing ahensya.
“Unang-una po hindi ko ho alam yung tungkol sa mga dokumento. Nalaman ko na lang yan nung pinakita sa akin dahil hindi po ako nagbabasa ng mga ganyan,” aniya.
Iginiit din ni Soriano na walang sapat na basehan ang mga alegasyon sa kanya dahil aniya, hindi sigurado si dating PDEA intelligence officer Jonathan Morales sa kanyang mga pahayag sa hearing.
“Nakakakaba at nakakatakot. Sa totoo lang po, hindi malinaw sa akin kung bakit ako naimbitahan sa hearing. Nagtataka lang po ako dahil lahat po ng tumestigo dito ay nagsabi hindi na-verify ang impormasyon ni Mr. Morales at walang imbestigasyon na naganap,” saad ng aktres.
Bukod sa nasabing isyu ng umano’y “spot session area,” ginisa rin ang aktres sa umano’y pang-aabuso niya sa kanyang mga dating kasambahay sa naturang condominium, na mariing itinanggi rin ng aktres. “Paano ko naman po bubugbugin dalawa po sila?” sagot niya.
Pinuri naman ng netizens ang naging pagharap ni Soriano sa nasabing hearing dahil sa kalmadong pagsagot nito sa bawat tanong na ipinupukol ng kumite.
Nagpakita naman ng pagkadismaya si Senator Robin Padilla dahil bilang dating artista, hindi aniya maganda na binibigyan si Soriano ng walang basehan na paratang ukol sa isyu.
“Naaawa po ako sa artista. Kasi ako, banatan ako kaliwa’t kanan ngayon okay lang pumasok ako sa pulitika. ‘Di ka pwedeng balat sibuyas dito…Sana sa pagkakataong ngayon ay isipin ng lahat na trabaho ang pag-aarista, hindi ito raket. Imahe. Nabubuhay kami sa magandang imahe. Ang trabaho pumapasok sa amin dahil sa magandang imahe,” ayon kay Padilla.