Suportado ni House Ways and Means Chair at Albay 2nd district Representative Joey Sarte Salceda ang pagkahalal ng kanyang kababayan na si Senator Chiz Escudero na mamuno sa Senado.
Ayon kay Salceda ay malaki ang magiging papel o sa salitang Bicolano ay “dakula ang magigibo” ni Escudero para mapaganda ang mga programa sa bansa lalo na at malaki ang naging kontribusyon nito nang nagsilbi bilang dating gobernador ng Sorsogon.
Ibinida rin ni Salceda na tumaas umano ang gross domestic product o ang paglago ng ekonomiya ng nasabing probinsya sa termino ni Escudero matapos itong makapagtala ng 12.2% growth rate.
Dagdag pa ng kongresista, magiging “golden moment” din daw ang pagkaluklok ni Escudero bilang bagong Senate President para sa kanyang mga kababayan sa buong Bicol Region.
“I think that’s the way to move forward for Bicol. And I think SP Chiz is best placed to help push for the continuation of the railway to Matnog, Sorsogon, the SLEX TR 5, the internationalization of Bicol International Airport, and other key public works for our region.”
Ani Salceda, mas mabibigyang pansin ang mga probinsya tulad ng Bicol sa pamumuno ni Escudero sa Senado.
“He knows us. We know him. So, we know he will get things done for our people,” saad niya.
Matatandaang napiling mamuno si Escudero sa Senado matapos kusang bumaba sa pwesto si Sen. Migz Zubiri. Ang panunumpa ni Escudero ay nangyari sa parehong araw kung kailan nagbitiw sa pwesto si Zubiri.