Nagpahayag ng intensyon si Senador Raffy Tulfo na imbestigahan ang kakayahan ng mga security unit na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 (NAIA 3) sa Pasay City matapos magdulot ng eksena ang isang babaeng traveler sa departure area.
Sa isang pahayag, sinabi ng chairperson ng Senate Committee on Public Services na, “Maghahain ako ng isang resolusyon para imbestigahan ang pangyayaring ito, partikular na and pag-handle ng security protocol sa airport facilities.”
Ayon sa mga ulat, naganap ang insidente noong June 8 nang pigilan ang isang babaeng Vietnamese na sumakay ng flight papuntang Ho Chi Minh City matapos matuklasan ng isang immigration officer na siya ay isang overstaying na turista at kinakailangang magbayad ng multa.
Nag-react ang babae sa pamamagitan ng matinding pagtutol, nabalisa, at kalaunan ay naghubad, pagkatapos ay naglalakad na hubo’t hubad sa paligid ng departure area.
Bagama’t nagawang pakalmahin ng mga awtoridad ang babae, bihisan siya, at ihatid sa medical clinic, ipinunto ni Tulfo na may nakikitang gaps sa pagtugon sa seguridad.
“Bagama’t pinayagan din na lumabas ng bansa ang Vietnamese national matapos na masuri sa medical clinic, kapansin-pansin sa lumabas na video na tila nagulat at hindi sigurado ang mga security kung ano ang gagawin sa sitwasyon katulad nito,” aniya.
Binanggit din ng mambabatas na nabigo ang airport security na pigilan ang babae na lumapit sa boarding gate at magdulot ng karagdagang kaguluhan.
Binigyang-diin niya ang pangangailangang malinaw na tukuyin ang mga tungkulin at responsibilidad ng Philippine National Police Aviation Security Group, Manila International Airport Authority, Office for Transportation Security, at mga pribadong ahensya upang maiwasan ang kalituhan at matiyak ang mas epektibong pagtugon sa mga katulad na sitwasyon.
“It is about time to have a proper system of security protocols,” pagtatapos niya.
Photo credit: Facebook/senateph