Naglapag na ng kanyang rekomendasyon si House Ways and Means Chair at Albay 2nd District Representative Joey Salceda para sa susunod na Department of Education (DepEd) secretary, na aniya ay makakatulong sa pagtaguyod ng edukasyon sa bansa.
Para kay Salceda, dapat na makahanap agad ng papalit kay Vice President Sara Duterte sa DepEd dahil isa ito sa importanteng sangay ng gobyerno.
Sa kanyang opisyal na pahayag, ibinahagi ng mambabatas na maaring italaga bilang DepEd secretary sina Commission on Higher Education (CHED) Chairperson Prospero de Vera at Synergeia Foundation head Milwida “Nene” Guevara dahil sa kanilang ambag sa sektor ng edukasyon.
Aniya, ang dalawang personalidad na ito ay magkakaroon ng malaking epekto sa pagpapatupad ng maraming programa para sa mga Pilipino. “Few have ever had an impact on the education sector as large as the impact these two people have had on the sector.”
Ayon kay Salceda, ang pagsisikap ni de Vera na pondohan ang mga community college sa ilalim ng Universal Access to Quality Tertiary Education (UAQTE) program ay malaki ang naitulong upang makapagpatapos ang mga estudyanteng laki sa hirap.
Ang nasabing UAQTE ay programang pinangunahang isulong ni Salceda upang hindi na maging balakid ang kahirapan sa pag-aaral ng mga kabataan.
“That changed the landscape for basic education because most community colleges produce teachers. […] Chair Popoy has also streamlined linkages between DepEd and CHED in offering basic education programs.”
Sa kabilang banda naman, sinabi rin ni Salceda na maaring makakatulong sa sektor ng edukasyon si Guevarra dahil sa kanyang pagsisikap na tugunan ang mga isyu ng basic education sa bansa sa pamamagitan ng Synergeia Foundation.
“No one has been earlier and more consistent about the longstanding issues affecting basic education. It’s Nene Guevara,” aniya.