Nagpahayag ng matinding pagtutol si dating Presidential Spokesperson at Chief Legal Counsel Salvador Panelo sa desisyon ng Muntinlupa City Regional Trial Court na ibasura ang ikatlo at huling drug case laban kay dating Senador Leila de Lima.
Sa isang pahayag, inakusahan ni Panelo ang korte na nakagawa umano ito ng “grave error” dahil sa pagkonsidera nito sa binawing testimonya ng mga tumestigo laban kay de Lima. Aniya, walang ebidensya na nagpapatunay na pinilit o pinagbantaan ang mga nasabing testigo upang isiwalat ang mga nalalaman nila laban sa dating senadora.
“No such evidence was presented before the court hence the previous testimonies of the recanting witnesses against De Lima should have not been disregarded. Moreover, there was credible evidence extant on the record for a conviction,” giit ni Panelo. “The dismissal of the drug case therefore was in grave error it being contrary to the evidence and jurisprudence.”
Binigyang-diin din ni Panelo, na nagsilbi sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na ang pagkakakulong ni de Lima ay bunga ng kanyang pag-uusig kay Duterte sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang alkalde ng Davao City. Ayon sa kanya, mali ang mga akusasyon ni de Lima ng extrajudicial killings laban kay Duterte, na ginawa niya noong nasa Commission on Human Rights pa lamang siya hanggang maging Justice Secretary siya sa panahon ni Pangulong Noynoy Aquino.
Smantala, pinuri naman ni Senador Risa Hontiveros ang desisyon ng korte at binigyang-diin ang kahalagahan ng katotohanan at ebidensya sa pagkamit ng hustisya.
“The dismissal of former Senator De Lima’s third and last case proves that justice is based on truth and evidence, not on baseless charges and political motivations,” aniya. Nanawagan din siya ng pananagutan para sa mga maling akusasyon kay de Lima, at idiniin na nakompromiso ang integridad ng legal system sa bansa dahil sa mga ganitong maling pagsampa ng kaso.
Ikinatuwa naman ni Gabriela Women’s Party-list Representative Arlene Brosas ang pagpapawalang-sala kay de Lima ngunit sinabi niyang ito ay ebidensya ng “bulok” na justice system sa bansa.
“Ilang taon matapos ikulong si former Senator Leila de Lima ngayon lang binasura ang mga gawa-gawang kaso laban sa kanya. Pinapakita lamang nito ang kabulukan ng sistema ng hustisya dito sa Pilipinas,” aniya.Â
Dahil dito, nanawagan siya ng pananagutan at partikular na pinupuntirya si dating Pangulong Duterte. Idiniin din ni Brosas ang pangangailangang palayain ang iba pang mga political prisoner na nahaharap sa mga katulad na “trumped-up” charges.
Photo credit: Presidential Communications Office official website