Pinatunayan ni Senador Risa Hontiveros na totoo ang kanilang mga hinala na “pekeng Pilipino” si suspended Bamban, Tarlac City Mayor Alice Guo matapos ilabas ng National Bureau of Investigation (NBI) na nag-match ang kanyang fingerprints kay Guo Huang Ping na isang Tsino.
Sa kanyang Facebook post, mariing sinabi ni Hontiveros na nabunyag na ang isa sa mga sikreto ni Guo matapos makumpirma na iisang tao lang sila ni Guo Hua Ping.
“This confirms what I have suspected all along. Pekeng Pilipino si “Mayor Alice” — or should I say, Guo Hua Ping. She is a Chinese national masquerading as Filipino citizen to facilitate crimes being committed by POGO.”
Aniya, ang pagkakatuklas sa tunay na katauhan ni Guo ay tila malaking insulto sa mga Pilipino lalo na sa mga resident sa Bamban kung saan siya namuno.
“Napakalaking insulto ito sa mga botante ng Bamban, sa mga institusyon ng ating gobyerno, at sa bawat mamamayang Pilipino.”
Giit ni Hontiveros, hindi dapat magkaroon ng posisyon si Guo sa gobyerno at dapat na siyang sibakin agad sa pwesto sa lalong madaling panahon.
Dahil dito, nanawagan na ang senadora sa Solitcitor General tungkol sa quo warranto case ni Guo sa kanyang pagkakasangkot sa kaso ng illegal POGO sa bansa.
“This revelation is not the end. Guo Hua Ping, soon, we will know the full extent of your deception. Magpapatuloy ang aming imbestigasyon sa Senado. We will dig deeper and locate the systemic roots of our POGO problem,” aniya.
Matatandaang nagkaroon ng Senate hearing na pinangunahan ni Hontiveros at Senador Win Gatchalian kung saan nakita nila ang tila “stolen identity” ni Guo sa isang Filipino citizen.