Dismayado at handang raw magsampa ng ethics complaint si Senador Nancy Binay sa tila pambabastos sa kanya ni Senador Alan Cayetano matapos siyang sabihan ng “buang” matapos ang kanilang irian sa public hearing para sa budget bagong Senate building.
Matapos ang kontrobersyal na “walk-out scene” ni Binay, nagsalita na ang senadora sa di umano’y kawalang-respeto ni Cayetano sa kanya.
Aniya, ang pahayag ni Cayetano matapos siyang umalis sa session ay nagpapakita na hindi siya ginagalang nito bilang opisyal ng gobyerno.
“Umabot na tayo sa name-calling na naging buang na ‘ko, which is nakakalungkot kasi from a senior senator, dahil alam naman natin na mas matagal na naging senator si Sen. Alan kesa sa atin and for him to make, mag-name calling sa isang committee hearing, buti sana kung meeting lang ‘yung nangyari kahapon, it’s a committee hearing.”
Ayon kay Binay, wala siyang kamalay-malay na tinawag na siyang “buang” ni Cayetano at nalaman niya na lamang ito matapos mapanood ang replay ng public hearing.
“Hindi ko alam napanood ko na lang pagkatapos ng hearing na tinawag pala ako buang ka na day. Sayang. Kung nandun pa pala tayo di sana nasagot ko siya na Bongga ka dong,” aniya.
Depensa naman ng senadora, napatunayan niya na ang kanyang punto sa isyu at nagpasalamat pa aniya siya bago umalis upang magpakita ng respeto.
“Kaya tumayo na tayo kasi kumbaga nakuha na natin ang sagot sa tanong na gusto natin masagot.”
Dagdag pa niya, kaya lamang siya sumali sa usapan ay dahil nakita niya na para bang agrabyado ang mga nasa kampo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kung kaya’t hindi sila makapagpaliwanag ng maayos sa public hearing.
“[K]itang-kita ko na hindi makapag-paliwanag nang maayos yung mga taga-DPWH, na tuwing mage-explain sila, pag hindi niya gusto ang paliwanag, pinahihinto niya sa pagsasalita […] it reminds me of 2015 na binubully niya ang resource persons.”
Dahil dito, sinabi ni Binay na handa siyang magsumite ng reklamo tungkol sa inasal ni Cayetano sa public hearing upang hindi na ito maulit muli.
“Siguro I have to talk with my staff kung kailangan ba mag-file ng complaint sa ethics [panel]. Pag-aaralan natin. I have to check with my legal team kung kailangan pa.”
Matatandaang bago pa man ang public hearing ay tila may alitan na sina Binay at Cayetano tungkol sa budget sa pagpapagawa ng bagong Senate building. Ayon kay Cayetano, masyado itong malaki at mahal na itinanggi naman ni Binay dahil wala umanong katotohanan ang sinasabi ni Cayetano.