Binalaan ni Senate Committee on Public Services Chairperson Raffy Tulfo ang Toll Regulatory Board (TRB) na ayusin ang tila sunod-sunod na kapalpakan ng Radio-frequency identification (RFID) system upang maresolba ang traffic sa expressway.
Imbes na mapadali ang byahe sa paggamit ng expressway, maraming motorista ang nagreklamo dahil anila sa buhol-buhol na traffic dito dahil sa problema sa mga RFID system sa tollgates.
Dahil dito, pinagsabihan ni Tulfo ang TRB na agarang bigyang pansin ito dahil aniya ay malaki ang nagiging epekto nito sa mga motorista pati na rin sa mga biyahero.
Sa pahayag ng senador, maraming motorista ang nagrereklamo na hindi nababasa ang kanilang RFID tags kung kaya’t tumatagal sila sa pagpila sa mga tollgate sa expressway.
Kaugnay ng problemang ito, sinabi rin ni Tulfo na dapat nang mapatawan ng mas mataas na multa ang mga toll operators na lalabag sa kanilang guidelines sa pagbibigay ng refund sa mga motoristang nagkakaroon ng malfunction sa kanilang RFID.
“Napakalaki ng ibinabayad ng mga motorista para sana makatipid ng oras at maka-iwas sa perwisyo ng trapik kaya dapat ayusin ang serbisyong natatanggap nila,” saad ni Tulfo.
Siniguro ni Tulfo na kaisa siya sa pagsasaayos ng problema tungkol sa RFID at nangakong maglalaan ng pagdinig pagkatapos ng Senate recess ngayong Hulyo.