Tuloy ang bangayan ngayon sa Senado matapos pormal na maghain ng ethics complaint si Senador Nancy Binay laban kay Senador Alan Cayetano.
Ito ay matapos nilang magkairingan sa isang hearing tungkol sa P23-billion budget para sa bagong Senate building kung saan tinawag si Binay na “marites” at “buang” ni Cayetano.
Hinaing ni Binay, kawalang-respeto sa kanya bilang senador ang inasal ni Cayetano. Aniya, pinagmumukha siyang sinungaling at ginagamit ang media para sa isyu dahil na rin sa sinabi ni Cayetano na gumagawa siya ng “pre-made questions” tuwing siya ay may interview.
Ani Binay, maaring taktika ito ni Cayetano upang maulit ang nangyari noong 2015 kung saan isa ang senador sa kumekwestyon sa Makati City Hall Parking Building na pinangunahan ng kanyang ama na si former Vice President Jejomar Binay.
“May mga anak ako at alam ko ang mga pinagdaanan ng mga bata noong tinitira niya yung pamilya ko noong 2015 and parang during this time, I cannot let it pass anymore.”
Dagdag pa ng senadora, hindi niya malilimutan ang isyung ito dahil nasira nito ang pangalan ng kanilang pamilya.
Samantala, mariin namang sinabi ni Cayetano na hindi niya uurungan ang senadora at handa rin siyang maghain ng parehong complaint dahil aniya sa “unethical practices” ni Binay sa public hearing.
“Ang ginagawa ni Senator Nancy from the start, nililito tayong lahat. Alam niya namang walang mangyayari diyan sa ethics case. Pwede ko rin siyang filean ng ethics case dahil unethical din yung mga pinaggagawa niya. Hindi ka member tapos bigla kang manggugulo doon.”
Dagdag pa niya, kung gusto talaga ni Binay na ayusin ang usapin tungkol sa budget ng bagong Senate building ay bukas ang kanyang kampo para sa isa pang hearing. Aniya, hindi na dapat pa umaabot sa ganitong filing ang kanilang usapin dahil nakakahaba lamang ito ng usapan tungkol sa isyu.