Inanunsyo ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na aarangkada na ang kanilang special committee upang imbestigahan ang mga dokumento na ipinasa ni suspended Bamban Mayor Alice Guo para sa kanyang candidacy noong 2022 national elections.
Sa kanilang opisyal na pahayag, nanindigan ang Comelec na tutulong sa paghahanap ng impormasyon na konektado kay Guo upang mapabilis ang kanyang kaso. Bilang tugon, gagawa anila sila ng fact-finding committee upang kalkalin ang kanyang candidacy files.
“In view of public interest in the controversy surrounding Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, you are directed to create a Fact-Finding Committee to investigate her candidacy for the 2022 National and Local Elections,” saad sa memorandum ng Comelec.
Kamakailan lamang ay klinaro ni Gracia ang posisyon ng Comelec tuwing eleksyon. Ayon sa kanya ay “ministerial duty” lamang ang gampanin ng ahensya sa mga nagpapasa ng candidacy.
Ibig sabihin ay tinitignan lamang nila kung maayos ang pagkakapasa ng mga ito ngunit hindi na sakop ng kanilang ahensiya ang pag-iimbestiga kung tama ang mga nakalagay sa kanilang candidacy files.
Dahil dito, gumawa na sila ng special committee upang kumakal sa mga impormasyon na ipinasa ni Guo sa ahensiya sa kanyang pagtakbo bilang mayor noong 2022.
Kasama ang National Bureau of Investigation; Office of the Solicitor General; at Senate Committee on Women, Children, and Family Relations and Gender Equality ay ikukumpara nila kung ang mga impormasyon na inilagay ni Guo sa kanyang forms ay tugma upang mabunyag ang kanyang tunay na pagkakilanlan.
Matatandaang si Guo ay ipinapatawag ng korte upang ipaliwanag ang kanyang tunay na katauhan dahil na rin sa mga naglulutangang impormasyon tungkol sa kanya. Bukod sa kanyang tunay na pagkakakilanlan, nadiskubre na rin na ang iba niyang kamag-anak ay mga Tsino at kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad.
Photo credit: Philippine News Agency official website