Diretsahang binanatan ni Senador Risa Hontiveros si suspended Bamban Mayor Alice Guo na huwag nang umanong magdrama at harapin ang kaniyang panloloko sa taumbayan nang muli siyang manawagan na dumalo ito sa mga susunod na Senate hearings.
Tila kinorner ni Hontiveros si Guo nang sabihin niya na kailangang sumipot na ang suspended mayor sa mga susunod na hearing ukol sa kanyang kaso dahil kung hindi ay mapipilitan sila na maglabas ng warrant of arrest laban sa kanya.
“If she doesn’t honor the subpoena, the Senate is well within its rights to issue an arrest order. Dumalo nalang siya sa hearing sa Miyerkules para wala nang drama.”
Kamakailan lamang, nagpahayag ang abogado ni Guo na si Stephen David na maaaring hindi makasipot muli si ang suspended mayor sa susunod na hearing dahil sa stress at trauma na kanyang naramdaman noong mga nakaraang araw.
Sinupalpal naman ni Hontiveros ang rason na ito ni Guo dahil aniya, hindi lamang siya ang apektado ng kanyang mga kasinungalingan ngunit pati na rin ang taumbayan lalo na ang mamamayan ng Bamban.
“Hindi lang siya ang traumatized. Ang mga human trafficking victims mga dayuhan at mga Pilipinong pilit na pinagtrabaho sa POGO scam compounds ang traumatized. Pati ang sambayanang Pilipino traumatized na may Chinese national na naging Mayor ng Pilipinas.”
Dagdag pa ni Hontiveros, bilang isang public servant ay importante ang mental health ngunit hindi niya pwedeng gamitin ni Guo ito bilang excuse upang takasan ang kanyang mga kaso.
“She dug her own grave. We merely asked basic questions that any upright human being could answer. Ngayong na wala na siyang lusot, nagpapa-victim siya.”
Dahil dito, binanatan ng mambabatas ang suspended mayor at sinabing ito na ang kanyang karma umano sa mga ginawang kasinungalingan. “Dapat inisip muna niya ang kahihinatnan ng pagsisinungaling at panloloko niya bago pa siya humarap sa Senado. […] Mayor Alice Guo, the truth will give you peace of mind.”
Matatandaang lumutang ang iba’t-ibang impormasyon sa tunay na pagkatao ni Guo kung saan nadiskubre na ang ilan sa kanyang mga dokumento ay tila manipulated upang makatakbo siya bilang isang opisyal ng bansa.
Kaugnay nito, ipinatawag siya ng Senado sa ilang hearings na pinapangunahan ni Hontiveros ngunit tanging ang kanyang abogado lamang ang humaharap dito dahil na rin umano sa personal concerns ni Guo.