Nanindigan si TV host Willie Revillame na wala siyang balak tumakbo bilang senador sa 2025 midterm elections dahil gusto n’yang umiwas sa magulong mundo ng politika.
Sa isang eksklusibong interview sa segment na “Seryosong Usapan,” inamin ni Revillame na marami ang nag-uudyok sa kanya na sumabak sa pulitika ngunit wala siyang balak na tumakbo.
Aniya, nakakasawa lang ang mga bangayan sa politika kaya mas gugustuhin niya na lamang na manatili bilang host at program producer.
“I’ll be honest. Nanonood ako ng senate hearings [pati] congress. Nilalagay ko yung sarili ko. What if andyan ako? Anong magagawa ko? Pero kapag nakikita kong nag-aaway at nakikita kong parang walang unity, parang nafufrustrate ako.”
Diin pa ni Revillame, masyadong magulo ang mundo ng politika dahil tila pakitang-tao lamang ang nangyayari sa tuwing eleksyon kaya nadidismaya ang ilang mamamayang Pilipino.
“Kapag nagkakampanya, puro pangako ang ginagawa natin sa mga tao. Pero kapag nakaposisyon ka na, nag-iiba na ang lahat. […] Ang serbisyo sa tao hindi naman sa kampanya lang. It’s 24/7.”
Nang tanungin kung bukas pa ang kanyang isip sa pagtakbo sa politika, tila dinedma na ito ni Revillame dahil aniya mas nakakatulong siya sa taumbayan sa pamamagitan ng kanyang mga shows.
“Anong power ko? [noontime at daily] show. Ilang presidente after six years, nandiyan pa rin yung Wowowin.”
Dagdag pa niya, nakakatulong din siya sa pamamagitan ng pagbabayad ng mahigit-kumulang P8-million na tax kada buwan para sa taumbayan. Aniya, ito na ang kanyang paraan upang makatulong nang hindi tumutuntong sa mundo ng politika.
Saad din ni Revillame, buo na ang kanyang desisyon na huwag tumakbo bilang senador dahil siya ay may kontrata na sa TV5 na hindi siya papasok sa politika sa loob ng tatlong taon.
Matatandaang lumutang ang pangalan ni Revillame bilang isa sa mga bet para sa pagka-senador noong sumama siya sa Davao rally noong Enero ngayong taon.
Sa nasabing rally, sinabi ng host na handa siyang tumulong sa taumbayan ngunit walang malinaw na pahayag kung nais niyang magkaroon ng posisyon sa Senado.