Iginiit ni Senador Bong Go na malinis ang kanyang record sa pamamalakad ng bansa kasama si dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang tugon sa inihain na plunder case ni dating Senador Antonio Trillanes laban sa kanila.
Kamakailan lamang, personal na pumunta sa korte si Trillanes upang ihain ang kaso laban kay Go at Digong tungkol sa umano’y kanilang ill-gotten wealth noong sila pa ay tandem sa politika.
Ani Trillanes, nagkaroon daw ng project ang dating pangulo na ang pamilya ni Go ang umano’y nakinibang. “Ito ay tungkol sa mga government projects totalling P6.6 billion na inaward nila doon sa tatay at kapatid ni Bong Go. Ito po ay maliwanag na plunder at lahat ng elemento ng plunder charge ay nandirito sa kaso na ito,” saad niya sa isang ambush interview.
Ang mga paratang na ito ay tahasang sinagot ni Go at sinabing wala silang kinalaman sa mga paratang ng dating senador laban sa kanila. Ayon sa senador, hindi niya inihahalo ang kanyang personal na buhay sa politika para makaiwas sa issue.
Dahil dito, sinabi ni Go na ang pag-file ng plunder case laban sa kanila ay tila nagiging taktika lamang ni Trillianes upang pabanguhin ang kanyang pangalan lalo na sa darating na eleksyon.
“Nagiging tradisyon na yan sa iba na pipinturahan nila kami ng itim para sila naman yung pumuti.”
Dagdag pa niya, dati pa man ay may iginigiit na laban sa kanila pero laging bigo dahil wala naman silang itinatago. “Malinis po ang aking konsensya. Noon pa. Sinabi ko na kapag ginamit yung pangalan namin [o] ginamit yung pangalan ng kapamilya namin, consider it denied.”
Dahil dito, handa ring maghain ng kaso si Go laban kay Trillianes para sa paninirang-puri sa kanya at kay Digong. “I also reserve the right to pursue legal actions in order to defend my honor, my name, [and] my reputation.”
Sa kabila nito, sinabi ni Go na handa siyang humarap sa pagdinig tungkol sa ibinibintang ni Trillianes upang makita rin ng taumbayan na siya at and dating pangulo ay inosente.
“Malinis ang konsensya ko. Malinis ang konsensya namin ni dating pangulong Duterte. Hayaan na po natin ang korte humusga. Hayaan na po natin na ang taumbayan ang humusga pagdating ng panahon. Malalaman naman po ng taumbayan kung sino ang nagsasabi ng totoo,” aniya.