Nanindigan si former presidential spokesperson Harry Roque na pormal siyang haharap sa susunod na hearing matapos idawit ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) ang kanyang pangalan sa imbestigasyon sa illegal Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa Porac, Pampanga.
Sa kanyang pahayag sa Philippine Star, sinabi ni Roque na handa siyang linisin ang kanyang pangalan matapos sabihin ng isang opisyal ng Pagcor na abogado umano siya ng raided POGO hub sa Pampanga. “I will be there [at the senate hearing],” saad niya isang text message sa media outlet.
Bago pa man ang pahayag niyang ito, nagkaroon ng Facebook live ang dating spokesperson at sinabing walang katuturan ang mga balitang may kinalaman siya sa pagpapatakbo ng Lucky South 99 Inc.
Aniya, noong naging kliyente niya si Cassie Ong, ito nagpakilala bilang parte ng Lucky South 99 Inc. ngunit bilang service provider.
Nilinaw din niya na hindi siya kailanman naging parte ng legal team ng nasabing kumpanya dahil wala raw siyang pinirmahan na kasunduan na magiging opisyal na abogado siya nito.
“Wala po akong ilegal na POGO na nirepresent dahil noong panahon na nagpunta po kami ni Chairman Tengco ay legal po ang Lucky South.”
Dahil dito, ipinahayag ni Roque na maaring taktika ito ng administrasyon upang siraan siya lalo na’t naglalabas siya ng iba’t-ibang pahayag laban sa kampo ng mga Marcos. “Tayo’y kritiko, asahan na natin na babawian tayo ng administrasyon.”
Matatandaang lumutang ang pangalan ni Roque sa media nang maglabas ng pahayag si PAGCOR chairman Alejandro Tengco na posibleng may kaugnayan ang dating spokesperson sa pagpapatakbo ng Lucky South 99 Inc.
Aniya, nakasalamuha niya si Roque sa isang meeting kung saan kasama niya ang miyembro ng nasabing kumpanya na si Ong.