Binawi ng Philippine National Police (PNP) ang 75 na pulis na itinalaga para sa seguridad ni Vice President Sara Duterte.
Ayon sa opisyal na pahayag ng Office of the Vice President (OVP), ang pagbawas sa mga security personnel ay bahagi ng pagsasaayos sa security detail ng bise presidente.
Bagamat sinabi ni Duterte na may mga pagbabago, hindi na siya nagbigay pa ng karagdagang detalye kung ano ang mga dahilan sa likod ng desisyong ito.
“I confirm that on 22 July 2024, an Order was issued by the Chief of the Philippine National Police relieving all of the 75 PNP Police and Security Group personnel that were previously assigned for my protection.”
Tiniyak ni Duterte sa publiko na ang kautusan ay hindi makakaapekto sa kanyang trabaho bilang bise presidente. Binigyang-diin din niya na ang pagsisikap ng OVP ay magpapatuloy nang walang patid.
“Tuloy-tuloy pa rin ang ating trabaho upang makapaghatid tayo ng serbisyo sa ating mga kababayan, lalong-lalo na sa mga liblib o underserved communities sa ating bansa,” aniya.
Samantala, nilinaw naman ni PNP chief Police General Rommel Marbil na hindi sinibak ang mga tauhan ng PNP na nakatalaga kay Duterte bagkus ay ipina-recall ito bilang bahagi ng pangkalahatang direktiba na dagdagan ang mga available na PNP personnel na maaring i-deploy sa ground.
“What we’re doing now, especially sa [National Capital Region] na kulang kulang mga tao natin, nagbawas kami ng mga tao na hindi naman nila kailangan.”
Ipinaliwanag ni Marbil na ang seguridad ni Duterte ay wala na sa ilalim ng PNP, kundi nasa Presidential Security Command.
Batay sa ulat ng Commission on Audit sa OVP noong 2022, mayroong 433 miyembro ang Vice Presidential Security and Protection Group ni Duterte.