Klinaro ni Pangulong Bongbong Marcos na maayos ang flood control system nang humagupit ang bagyong Carina sa bansa, ngunit nagdulot ng pagbaha dahil sa naipong basura mula sa iba’t-ibang lungsod.
Matapos ang ocular inspection ni Marcos sa mga nabahang lugar sa Valenzuela, Malabon, at Navotas, sinabi ng pangulo na mas marami ang flood control at pumping stations ngayong taon ngunit nagkaroon lamang ng mga lapses dahil sa sobrang daming tubig at basura sa lugar.
“Marami na silang flood control pero nasapawan sa dami ng tubig. We have to re-examine some of the designs of our flood control.”
Dagdag pa niya, isang malaking dagok din anh climate change kung kaya’t hindi kinaya ng ibang flood control ang dami ng ibinagsak na tubig ng habagat sa ibang lungsod. “Mas marami tayong flood control ngayon kaysa noon. This is [just] the effects of climate change.”
Dahil sa naging resulta ng bagyong Carina, pinayuhan ng pangulo ang taumbayan na maging masinop sa kanilang pagtatapon ng basura dahil naging malaking balakid ito upang maging epektibo ang mga pumping stations sa kanilang mga lugar.
“Sana matuto na yung mga tao na wag na kayo magtapon ng basura dahil yung mga basura, yun ang nagbara doon sa mga pump natin kaya hindi kasing effective [yung pumping station],” aniya.
Sa kabila nito, nanindigan ang presidente na patuloy na pag-aaralan kung paano mas mapapaganda pa ang flood control systems at pumping stations sa bansa lalo na sa mga mababang lugar.
Matatandaang sa kamakailan lamang niyang State of the Nation Address (SONA) ay ipinagmalaki ni Marcos ang maraming infastructure programs ng kanyang administrasyon kabilang na ang flood control systems. Nangako rin siya na mas pagtutuunan ng pansin ang ganitong mga usapin upang makatulong sa kaligtasan ng mga Pilipino.