Diretsahang pinangaralan ni Vice President Sara Duterte si Philippine National Police (PNP) chief Police General Rommel Marbil matapos aniya magpakalat ng maling impormasyon tungkol sa mga binawing security personnel ng Office of the Vice President.
Sa kanyang opisyal na pahayag, sinabi ng bise presidente na hindi niya na maatim ang manahimik matapos banggitin ni Marbil ng paulit-ulit ang kanyang pangalan kaugnay sa isyu ng pagbabawas sa kanyang security personnel.
“[T]ila nakatatlong interview ka na patungkol sa akin. Naiintindihan ko kayo sapagkat natural lang sa mga nagsisinungaling na magkaroon ng sari-saring kwento at dahilan. Pero hindi ko na maatim ang tuloy-tuloy na panlilinlang sa aking mga kababayan.”
Aniya, maayos na sana ang kanyang kampo dahil tanggap naman niya ang pagbawi sa mga PNP personnel bilang kanyang security team ngunit sumobra na umano ang mga sinasabi ni Marbil.
Matatandaang kamakailan lamang ay sinabi ng PNP chief na ang dahilan ng pagbabawas ng security personnel ni Duterte ay dahil wala silang nakikitang panganib na nakaambang sa kanya kung kaya’t ililipat ang mga ito sa ibang sektor upang makatulong sa taumbayan.
“We don’t see any threat against the Vice President so we need to reduce the people, if they want more, then we will add [it] if they request [it],” panayam ni Marbil sa dpwM Radyo 630.
Bumanat naman ang bise presidente at sinabing nakaranas mismo siya ng harassment sa mga tauhan ng gobyerno matapos umanong mapag-alaman na pinaghahanap ng kapulisan ang kanyang bahay at pati na rin ang lugar kung nasaan ang kanyang mga anak.
“[K]amakailan lang ay nagtungo rin ang mga operatiba ng PNP sa lugar kung saan ako nakatira upang “mag-casing.” Pilit pang inaalam kung nasaan mismo ang bahay na inuupahan ko. Bahay kung saan rin nakatira ang aking mga anak. Kung hindi ito napigilan ng mga nagmagandang loob na opisyal ng homeowners’ association, hindi ko na alam kung ano pa ang maaring mangyari.”
Dagdag pa ni VP Sara, delikado rin ang kumalat na video sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kung saan kita ang mukha ng kanyang asawa at mga menor de edad na anak bago sila sumakay sa eroplano.
“[P]agdating sa seguridad ng aking pamilya, ako ang magsasabi kung sino ang karapat-dapat, hindi ikaw. Batas ka lang, hindi ka Diyos.”
Dahil dito, sinabi ng bise presidente na dapat maging malinaw ang PNP sa kanilang mga pahayag upang hindi rin malito ang taumbayan. “Sinasabi mong walang threat pero pwedeng mag-request ng dagdag na personnel. Ano ba talaga? Kung talagang wala kang nakikitang banta laban sakin, bakit nagtira ka pa ng 45 na tauhan ng PNP na ikaw ang pumili?”
Sa kabila nito, nanawagan ang bise presidente na ayusin na ang isyu na ito. Aniya, nagsalita na siya upang hindi na “magbuhol-buhol” ang kuwento at malinawan na ang taumbayan kung ano talaga ang dahilan kung bakit inalis ang ilang security personnel sa kanyang kampo.
“Ang gusto ko lamang ay huwag mo na akong banggitin sa mga pagpapa-interview mo. Unahin na natin ang pagtulong sa mga nabaha, […] pagtutok sa kahirapan at gutom, at marami ang ibang problema ng lipunan.”