Itinulak ni SAGIP Party-List Representative Rodante Marcoleta ang pagkalkal sa mga kontraktor ng flood control projects sa bansa matapos ang sobrang pagbaha sa iba’t-ibang lungsod matapos ang hagupit ni bagyong Carina.
Sa isang pahayag, tahasang niyang sinabi na dapat magkaroon ng malalimang imbestigasyon sa mga ipinagawang flood control projects sa bansa lalo na’t maraming Pilipino ang naperwisyo sa kakatapos lamang na bagyo.
Ayon kay Marcoleta, dapat maipakita na hindi naging sugapa ang mga kontraktor sa pagpapagawa ng mga proyektong ito. “Hanapin ang lahat ng kontraktor ng flood control projects, siyasatin, i-audit, at papanagutin ang dapat managot.”
Dagdag pa niya, kung tama ang statistics na ang nagawang flood control projects ay nasa mahigit 5,000 ay dapat makalkal ang tunay na dahilan kung bakit tila naging palpak ang mga ito sa pagkontrol sa pagbabaha sa maraming lungsod sa bansa.
“Nailatag ang flood control projects ngunit baka yung pagkakagawa yung problema. So hanapin mo ngayon lahat ng mga kontraktor ng mga flood control projects na yan [para] siyasatin [at] i-audit lahat yan [para] panagutin ang dapat managot diyan,” ayon sa mambabatas.
Dahil dito, nanawagan siya sa Commission on Audit na makisama sa pag iimbestiga ng isyu upang maiwasan na ang ganitong kaso sa mga susunod na kalamidad. “Dapat dito may audit lahat yan. Ang nangyayari kasi sa ating COA [Commission on Audit], alam mo naman – post audit.”
Maalalang kamakailan lamang ay naglabas ng pahayag si Pangulong Bongbong Marcos na nagkaroon ng problema sa ilang pumping stations at flood control projects dahil sa matinding epekto ng climate change at ng mga basura sa bansa.
Aniya, tinitignan na ng gobyerno ang maaring maging sagot sa mga nasirang pumping stations upang hindi na magdulot ng matinding pagbaha sa iba’t-ibang mga lungsod.